July 15, 2026 l Pilipino Mirror

Opisyal nang iniakyat ng World Bank ang Pilipinas sa antas na UMIC o upper middle income country kamakailan lang.
Matapos ang halos apat na dekada sa pagiging lower middle income country, naitala ng bansa ang gross national income per capita na $4,850 – lagpas sa itinakdang threshold na $4,636.
Sa unang tingin, tila napakagandang balita nito. Senyales ito ng lumalagong ekonomiya, pagbuhos ng remittances, at mas mataas na kumpiyansa ng mga foreign investor. Ngunit ito ang tanong ng karamihan sa mga mamamayang Pilipino: totoo nga bang naka-jackpot ang Pilipinas sa pagbabagong antas nito?
Kung ang pagbabatayan ay ang pitaka ng ordinaryong Pinoy, walang direktang dagdag-suweldo o bawas-buwis na mararamdaman sa ngayon. Nakadepende pa rin ang minimum wage sa mga regional wage board at sa galaw ng inflation, habang ang personal income tax naman ay hindi awtomatikong magbabago dahil lamang sa bagong klasipikasyon ng World Bank.
Ang UMIC status ay isang macroeconomic na marka; hindi ito nangangahulugang pantay na ang distribusyon ng yaman sa bansa. Marami pa ring pamilya ang naghihikahos sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Gayunpaman, ang tunay na laro ay nasa antas ng pambansang pondo, partikular sa mga pautang at tulong pinansyal.
Dito may malaking bentahe at kaunting kompromiso ang bansa. Dahil umangat ang ating antas, unti-unting mawawala ang ating access sa mga concessional loans o mga pautang mula sa mga pandaigdigang institusyon na may napakababang interes at mahabang panahon ng pagbabayad. Hindi na rin tayo makaka-avail ng foreign aid at official development assistance (ODA) mula sa mga mayayamang gobyerno. Sa madaling salita, bawas na ang mga grants o donasyon sa atin dahil tingin ng mundo ay kaya na nating tumayo sa sarili nating mga paa.
Tatlong pangunahing industriya ang makararanas ng matinding epekto at pagbabago. Una ang sektor ng infrastructure at construction, na kailangang mag-adjust mula sa murang foreign loans patungo sa mas komersyal na pamamaraan ng pagpopondo.
Pangalawa ay ang IT-BPO industry, na makikinabang nang malaki dahil ang mas mataas na credit rating ng bansa ay magbibigay-tiwala sa mga dambuhalang kumpanya na magpasok ng mas matataas na uri ng operasyon tulad ng AI at healthcare management.
Pangatlo ang agriculture at manufacturing sectors, na puspusang tututukan ng gobyerno upang mapalakas ang lokal na produksyon at hindi lamang umasa sa padalang pera mula sa ibang bansa.
Paano naman ito reresolbahin ng pamahalaan? Ayon kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick Go, hindi dapat mabahala ang publiko. May ibinigay na tatlong taong grace period o transition window upang hindi mabigla ang pambansang badyet. Sa panahong ito, minamadali ng pamahalaan ang pag-apruba sa humigit-kumulang 20 hanggang 30 na malalaking proyekto upang maihabol sa mababang interes ng ODA bago magsara ang pinto.
Bukod dito, target ng gobyerno na palitan ang mga nawalan ng grants sa pamamagitan ng pagpapatibay ng public-private partnerships (PPP), kung saan ang mga pribadong korporasyon na ang mamumuhunan sa mga pampublikong pasilidad. Tulod ito noong administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III kung kailan nag-umpisa ang paglago ng mga PPP projects.
Isinusulong din ang mga bilateral agreements sa mga bansang tulad ng Spain at Denmark, pati na ang pagpasok sa mga komersyal na bond market gamit ang ating mas mataas na credit profile upang makakuha ng magagandang deal sa pandaigdigang merkado.
Kung tutuusin, ang pagiging UMIC ay hindi nangangahulugang biglang yaman ang bawat Pilipino. Ang status na ito ay patunay lamang na lumalakas ang pundasyon ng ating ekonomiya. Hindi man tayo paldong-paldo sa madaliang pera, binibigyan naman tayo nito ng pagkakataon na maging mas matatag, independent, at kaakit-akit sa mga mamumuhunan sa pangmatagalang panahon. Isang malaking hamon ito para sa kasalukuyang gobyerno na tiyaking ang pagiging UMIC ng Pilipinas ay mararamdaman hanggang sa pinakamababang antas ng ating lipunan.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.