September 16, 2026 l Pilipino Mirror

Ngayong araw ay ginugunita ng aming pamilya ang unang taon ng pagpanaw ng aming ama.
Bilang pagpupugay sa kanyang buhay nais ko sanang ibahagi ang isang aral na lagi niyang sinasabi sa akin noong siya ay nabubuhay pa. Buhay mo yan! Lagi nga niya itong sinasabi sa akin lalo na kapag nagtatalo na kami at hindi kami humahantong sa pagkakasunduan.
Nakakatuwa na kapag nahaluan na ng kanyang pampatulog na alak ay ini-English niya pa ito. “It’s your life!”, ika niya. Siya ang itinuturing kong life coach at advisor kaya naman kahit nagtatalo kami ay lagi ko pa rin siyang nilalapitan. Lalo na kung kailangan ko ng payo ukol sa pag-aaral, trabaho at karera sa buhay. Kahit pa na mas mataas ang narating ko sa ng pag-aaral kaysa sa kanya ay para bang isa akong paslit na nakikinig sa kanyang guro kapag siya na ang nag-salita.
Sa totoo lang ay nanibago ako buhat nang mawala siya lalo na kapag naghahanap ako ng magkokomento sa mga ideya ko. Pati ang aking pagsusulat ng mga artikulo ay nabawasan dahil siya ang pinaka-una kong kritiko.
Retirado na siya at ako naman ay binata na noong makasama ko siya sa bahay. Madalas siyang wala at mabibilang ang mga okasyong kasama namin siya. Kaya naman, hindi ko makuha noon ang konteksto ng kataga niyang, “Buhay mo ‘yan.” Hindi ako sang-ayon sa linya niyang iyon dahil para sa akin ay masyadong makasarili ang prinsipyong iyon.
Ngunit ngayong tumanda na at nagkapamilya, ngayon ko nalalaman at naiintindihan na may punto siya. Ngayon ko napagtanto na sa totoo lang ay pagsubok niya iyon sa akin. Buhay ko ito at nasa akin ang desisyon kung paghuhusayan ko ba sa buhay o sasayangin nalang ang mga oportunidad na darating sa akin.
Nasa sa akin kung lilinangin ko ba ang mga talento at kakayahan na ibinigay sa akin. Nasa sa akin kung pipiliin ko ang pagpapa-unlad sa sarili o titigil na lamang. May punto ang aral na gusto niyang iwan sa akin. Kapag tumuntong ka na sa tamang edad, hindi na para sa magulang ang mga desisyon na iyong haharapin kung hindi para sa iyo na.
Ikaw na ang magtatakda ng guhit ng iyong kapalaran. Ikaw na ang pipili ng mga daan na tatahakin. Ikaw na mag-dedesisyon kung magpapatuloy ka ba sa harap ng mga pagsubok o susuko na lamang.
Ang magpatuloy ang naging tugon ko sa pagsubok na ito. Sa katanuyan ay siya ang isa sa pinakamalaki kong inspirasyon sa walang tigil na pag-aaral at pagpapa-unlad sa sarili. Nais kong marating ang antas ng pag-iisip na malawak at kritikal. Dalawang programa ang kasalukuyan kong kinukuha na ang isa ay matatapos ko na ngayong
Disyembre at isa naman ay sa susunod na taon. Sayang nga lang at wala na siya upang samahan ako sa entablado sa aking pagtatapos na lagi niyang ginagawa mula Grade 1 hanggang masters.
Iisa lang ang buhay kaya huwag sayangin ang pagkakataon na mag-aral at magpaunlad. Linangin ang talento at kakayahan, magpatuloy, at huwag susuko.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.