November 19, 2025 l Pilipino Mirror

Tuwing papalapit ang Pasko, ramdam natin agad ang pressure ng pamimili. Parang ang daming kailangang regaluhan, pero hindi naman lumalaki ang budget. Kaya sa tuwing lalabas tayo o kahit nag-o-online window shopping lang, dapat nating pagtibayin ang ating loob para hindi agad madala sa sale o sa magarang packaging. Alam nating kailangan maging maingat, lalo na ngayon na mataas ang presyo ng halos lahat.
Simulan natin sa simpleng tanong: ano ba talaga ang kailangan ng taong pagbibigyan ko? Kapag malinaw sa atin iyon, mas madali nating maiwasan ang bili nang bili. Halimbawa, kung alam nating mahilig sa kape ang isang kaibigan, hindi na kailangan ng mamahaling gamit. Minsan sapat na ang maliit na pack ng lokal na beans na mas may kuwento. Kapag may personal na touch ang regalo, mas tumatama kahit hindi mahal.
Isa pa, iniiwasan nating bumili nang biglaan. Pag-isipan muna natin ng maigi bago bumili. Kung hindi mo siya naiisip kinabukasan, ibig sabihin hindi mo talaga kailangan. Nakatutulong din ang pag-set ng malinaw na halaga para sa bawat tao sa listahan. Hindi man eksakto, pero may limitasyon tayong dapat sundin para hindi lumagpas sa budget.
Kapag nasa mga mall tayo, mapapansin nyo kung gaano kadaling mahulog sa trap ng festive lights at malalakas na Christmas playlist. Kaya minsan, mas piliin natin na bumili sa mga tiangge o maliit na stalls sa palengke. Mas mura na, natutulungan ka pa ang maliliit na negosyante. Marami rin tayong makukuhang mas kakaibang piraso roon, kaya hindi nauuwi sa pare-parehong gamit ang mga regalong ibibigay natin.
Hindi rin masama ang DIY. May mga regalo na pwedeng sariling gawa natin—mga baked goods, framed photos, o simpleng handwritten notes na mas may laman. Nakakabawas ito sa gastos, pero mas nag-iiwan ng magandang alala.
Sa huli, hindi kailangang malaki ang ipamasko para maging makahulugan. Mas mahalaga kung gaano ka nag-isip, hindi kung magkano ang nagastos. Sa panahon ngayon, praktikal na pag-iisip ang tunay na regalo sa sarili habang nagbibigay pa rin ng saya sa iba.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.