September 2, 2026 l Pilipino Mirror

Marami sa atin ang gumagamit na ngayon ng ChatGPT, Claude at iba pang AI tools. May gumagamit para gumawa ng email. May nagpapasulat ng proposal. Ang estudyante, nagpapatulong magpaliwanag ng lesson. Ang maliit na negosyante naman, gumagawa ng Facebook post, sumasagot sa customer o nagpapagawa ng simpleng marketing plan.
Pero may isang bagay na bihira nating pag-usapan: may metro ang AI.
Ang tawag dito ay token.
Sa simpleng paliwanag, hinahati ng AI ang ating tanong at ang sagot nito sa maliliit na piraso na tinatawag na tokens. Hindi eksaktong katumbas ng isang salita ang isang token. Maaari itong bahagi lamang ng salita, buong salita o kahit bantas. Sa mga AI service na nakabase sa paggamit, kasama ang dami ng tokens sa pagkukuwenta ng gastos.
Kung ordinaryong subscriber ka lang, baka hindi mo ito gaanong maramdaman dahil kadalasan ay buwanang bayad ang nakikita mo. Pero para sa isang MSME na unti-unting gumagamit ng AI sa operasyon, mahalagang maintindihan ito.
Halimbawa, may maliit kang online store. Gumagamit ka ng AI para gumawa ng product descriptions, sumagot sa inquiries at maghanda ng social media posts. Kalaunan, ikinabit mo ang AI sa chatbot ng negosyo. Dati, sampung beses mo lang ginagamit sa isang araw.
Ngayon, libo-libong customer questions na ang pinoproseso nito kada buwan.
Diyan nagsisimulang maging tunay na gastos ang tokens.
Parang koryente ito. Hindi dahil may aircon ka ay pareho na ang bill mo bawat buwan. Depende kung gaano katagal ginagamit at gaano karaming unit ang tumatakbo.
Kaya para sa MSME, hindi sapat ang tanong na, “Magkano ang subscription sa AI?”
Mas magandang itanong, “Magkano ang AI kada trabaho?”
Magkano ang gastos para makasagot sa isang customer? Gumawa ng isang proposal? Magproseso ng isang order?
Makabuo ng isang marketing campaign?
Dito rin pumapasok ang pagtitipid.
Hindi kailangang ipadala sa AI ang napakahabang dokumento kung dalawang pahina lang ang kailangan. Hindi rin kailangang humingi ng 1,000-salitang sagot kung limang pangungusap lang ang gagamitin. Sa ilang gamit, puwedeng mas maliit at mas murang AI model ang gamitin. Ang pag-ikli ng prompt, pagtanggal ng paulit-ulit na impormasyon at paglilimita ng output ay maaaring magpababa ng token consumption.
Pero hindi rin dapat maging kuripot sa maling paraan.
Kung gumastos ka ng limang piso sa AI pero nakatipid ka ng isang oras na trabaho, sulit iyon. Kung nakatulong ang
AI para makakuha ka ng bagong customer, mas lalong sulit.
Kaya ang tunay na sukatan ay hindi kung gaano karaming token ang natipid natin.
Ang tanong ay mas praktikal: Sa bawat pisong ginastos ko sa AI, ano ang nakuha kong kapalit?
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.