April 1, 2026 l Pilipino Mirror

Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, ramdam na ramdam ito sa pang-araw-araw na gastos ng bawat Pilipino.
Nitong mga nakaraang araw, may mga ulat na posibleng umabot sa ₱150 kada litro ang diesel at patuloy pa ang pagtaas dahil sa tensyon sa ibang bansa. Hindi na ito simpleng balita lang. Diretso itong tumatama sa bulsa natin.
Bilang empleyado o negosyante, hindi puwedeng basta na lang tayo mag-react. Kailangan mas maging maingat at mas disiplinado sa paghawak ng pera. Sa ganitong sitwasyon, ang unang dapat gawin ay malinaw na pagtingin sa gastos. Hindi sapat ang “tantya lang.” Kailangan alam mo kung saan napupunta ang bawat piso. Doon pa lang, makikita mo na agad kung alin ang puwedeng bawasan.
Sa totoo lang, malaki ang epekto ng fuel sa halos lahat—pamasahe, delivery, pagkain. Kaya ako, inuuna ko ang pag-adjust sa mga gastos na may direktang koneksyon dito. Kung puwede mag-commute nang mas maayos o mag-carpool, ginagawa ko. Kung may negosyo, sinusuri ko kung paano mababawasan ang logistics cost o kung kailan mas matipid bumiyahe.
Pero hindi lang ito tungkol sa pagtitipid. Mahalaga rin ang pag-prioritize. Sa panahon ng mataas na presyo, mas malinaw dapat kung ano ang “kailangan” at ano ang “gusto.” Dito kadalas nagkakamali ang marami. Kahit tumataas ang gastos, hindi binabago ang lifestyle. Doon nagsisimula ang problema.
Para sa mga may negosyo, kailangan ding maging praktikal sa pagpepresyo. Hindi lahat ng dagdag-gastos ay dapat ipasa agad sa customer. Kailangan balanse. Kung minsan, mas mabuting mag-adjust muna sa operasyon bago magtaas ng presyo. Tanong lagi: paano ka mananatiling competitive habang kumikita pa rin?
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.