August 19, 2026 l Pilipino Mirror

Noong nakaraang taon ay nagsulat ako tungkol sa pagdiriwang ng Aguman Sanduk ng aming bayan ng Minalin, Pampanga.Ang tema noon ay kung paano kami biniyayaan ng mayayamang ilog at iba pang anyong tubig-tabang.
Sumentro ang aking artikulo sa kung paano nakagawa ng mga pamumuhay at pagkakakitaan ang aking mga kabalen sa biyaya ng ilog. Samakatuwid, sanay ang aking mga kabalen sa tubig. Sanay na rin kami sa baha pero nakakasawa na!
Isa ang Minalin sa pinakamababang lugar sa probinsya kaya naman ang daming talagang napeperwisyong kabuhayan kapag panahon na ng tag-ulan. Ang mga palaisdaan ay nabubutas at umaapaw na magiging sanhi ng pagkalugi. Ang mga nagtatrabaho ay hindi makaalis sa kanilang bahay at makapunta sa pagtatrabuhan dahil walang makadaan na sasakyan palabas ng bayan.
Ang mga mag-aaral ay naantala ang pag-aaral dahil sa lubog ang kanilang mga eskwelehan. Hindi na rin mabilang ang mga nasirang bahay, sasakyan, kabuhayan, at iba pang mga ari-arian na nawala at ‘di na mapakinabangan dulot ng baha. Napakasakit isipin na ang mga pangarap na buong buhay mong ipinundar ay masisira lang ng ganun-ganon lang. At dahil nga mababa ang aming lugar, malamang buwan na naman ang bibilangin bago tuluyang mhumupa ang baha at maka-rekober ang mga residente.
Sana ay magkaroon na ng komprehensibong solusyon sa pagbaha upang hindi kami laging ganito. Catch basin kami kaya kapag inulan ang mga nasa mataas na lugar ay posible pa rin kaming bahain dahil sa amin ang bagsak.
Kalbo na ang mga puno sa bundok na sana ay magpapabagal ng pag-agos ng tubig, masikip na ang mga daluyan ng tubig kundi barado dahil sa basura at mga imprastraktura at puno na rin ang mga ilog. Sana ay imbes na kanya- kanyang mga project kada LGU ay maging regional o nasyunal ang mga plano dahil hindi naman isang bayan lamang ang apektado kundi nakapalawak. Ngunit habang wala pa ang solusyon na ito, ang pagiging handa at matatag nalang talaga ang ating magiging panangga sa epekto ng tag-ulan at baha.
Sa totoo lang ay napakahirap magbigay ng payo o komento man lang sa paghahanda lalo na sa pinansiyal kung ako mismo ay apektado rin. Bukod pa rito, ang damdamin ng ating kababayan.
Mga kababayan ngayon ay may galit pa rin dahil sa mga palpak na flood control. Ngunit kailangang tanggapin muna na matatagalan pa bago masolusyunan ito at kailangan talagang maging matatag.
Lahat tayo ay sawa na sa baha at galit pa rin sa kawalan ng sagot sa issue ng flood control at pangmatagalang solusyon, ngunit sa kabilang banda ay hindi maaaring maghintay na lamang tayo ng solusyon. Kailangan natin maging handa, maging maagap, at matatag.
Maghanda at mag-imbak upang sa panahon ng baha na hindi tayo makapagtrabaho ay mayroon tayong masungkit kahit papaano. Dahil buwan ang bibilangin bago tuluyang mawala ang baha, mag-umpisa tayo ng sapat na ipon para matugunan lamang kahit papaano ang ating mga pangunahing pangangailan. Mag-ipon para sakaling maantala ang pagtatrabaho ay may mapagkunan pa rin para sa pagkain, tubig at gamot.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.