Ano ba ang epekto ng pax silica sa bulsa natin?

August 12, 2026 l Pilipino Mirror

Ang Desisyon ng Pilipinas na mag-host ng unang Pax Silica industrial hub sa New Clark City ay nagpapakita ng hangaring makipag-agawan sa mga pamumuhunan sa artificial intelligence (AI), semiconductors, at advanced manufacturing. Habang patuloy na nagbabago ang mga global supply chain, may pagkakataon ang bansa natin na maging higit pa sa isang low-cost production base. Ang hamon ay kung paano gagawing pangmatagalang kalamangan ang pagkakataong ito.

Praktikal ang mga dahilan kung bakit New Clark City ang napili. Mayroon itong 1,620 ektaryang lupang pag-aari ng gobyerno, modernong mga daan at transport links, at sapat na espasyo para sa AI data centers, semiconductor facilities, research centers, at mga kompanyang magsu-supply sa mga ito. Bahagi rin ito ng Luzon Economic Corridor na nag-uugnay sa Clark Special Economic Zone, Subic Bay Freeport Zone, Metro Manila, at Port of Batangas.

Madaling makita ang mga bentahe nito. Mas mahirap pag-usapan ang mga need ng mga industriyang umaasa nang husto sa teknolohiya. Kailangan ng AI facilities ng tuloy-tuloy na supply ng koryente, malaking source ng tubig, at mabilis at maaasahang digital infrastructure. Ngunit di tulad ng Subic, walang direktang access sa dagat ang Clark na maaaring pagkunan ng tubig para sa malakihang desalination. Kaya kailangang sumabay ang pagtatayo ng mga bagong power plants, transmission lines, at utility systems sa pagpasok ng pribadong pamumuhunan.

Para sa karaniwang Pilipino, maaaring mukhang malayo ang usapin ng Pax Silica. Semiconductors, AI, data centers, at supply chains – mga terminong mas karaniwang naririnig sa boardroom kaysa sa hapag-kainan. Pero kapag naging malaki ang investments sa New Clark City, maaaring maramdaman ang epekto nito sa trabaho, kita, at gastusin ng mga pamilya.

Iyong pagtayo ng mga makabagong industriya at bitbit ang mga supplier nila ay maaaring lumikha ng mas maraming trabaho para sa engineers, technicians, programmers, construction workers, at iba pang skilled workers.

Kapag tumaas ang demand para sa mga trabahong ito, may posibilidad ding umangat ang sahod.

Hindi lamang mga empleyado ang maaaring makinabang. Local suppliers, contractors, transport operators, restaurants, at maliliit na negosyo sa paligid ng industrial hub ay maaari ring magkaroon ng bagong customers.

May pagkakataon din para sa mga nag-iipon at namumuhunan. Kapag dumagsa ang mga kumpanyang magtatayo ng negosyo sa bansa, ito’y nangangahulugan ng mas maraming transaksyon para sa mga bangko at financial institutions, at posibleng mas maraming investment opportunities sa capital markets.

Pero sa kabilang panig, malaki ang kakailanganing kuryente at tubig ng AI data centers. Kung hindi makakasabay ang imprastraktura, maaaring tumaas ang utility costs at maramdaman ito sa bulsa ng ordinaryong consumer.

Nangyayari na ito sa ilang bahagi ng Estados Unidos kung saan pinapaalis ng mga mamayan ang mga data centers dahil matakaw ito sa paggamit ng enerhiya.

May isa pang usapin sa Pax Silica na hindi dapat maisantabi: ang soberanya. Habang tinatanggap ng Pilipinas ang pamumuhunan mula sa Amerika, Japan, Europe, China, at iba pang bansa para sa infrastructure at technology sectors, kailangang manatili sa bansa ang kontrol sa mga asset at desisyong may long-term effects sa ating pambansang interes.

Kaparehong determinasyon na ipinapakita natin sa pagtatanggol ng ating maritime rights sa West Philippine Sea ay dapat ding maging gabay sa pagpapaunlad ng Luzon Economic Corridor. Malugod na tinatanggap ang foreign capital, ngunit ang pagmamay-ari, access sa critical infrastructure, proteksiyon sa data, environmental safeguards, at mga kondisyon ng investment ay dapat manatiling sakop ng batas at pambansang prayoridad ng Pilipinas.

Dapat din maging lugar ang New Clark City kung saan nahuhubog ang Filipino talent, negosyo, at kakayahan.

Maaaring pag-ugnayin ng Pax Silica ang Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya nang hindi isinusuko ang kakayahan ng bansa na magpasya para sa sarili nitong kinabukasang pang-ekonomiya.

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

The Pax Silica gamble

August 7, 2026 l BusinessWorld The Pax Silica debate has rapidly become one of the most divisive conversations in the country. Supporters view it as a rare

The Filipino as Odysseus

August 7, 2026 l The Manila Times In a delightful essay for The Economist, Catherine Nixey argues that Homer’s “The Odyssey” is not merely a

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189