Mag-Invest sa Kalusugan

July 8, 2026 l Pilipino Mirror

Kapag tayo ay malusog at malakas, ang dami nating mga prioridad ngunit kapag tayo ay may sakit, iisa lang ang ating prioridad at iyon ay ang makabalik ang kalusugan.

Marami ang nagsisikap na mag-ipon ng pera, bumili ng bahay, sasakyan, o iba pang ari-arian. Mahalaga ang mga ito, ngunit may isang kayamanang hindi kayang tumbasan ng anumang halaga at iyon ay ang mabuting kalusugan.

Marami ang nagsasabing mahal ang maging malusog. Totoo naman ito sa ilang aspeto. Ang pagbili ng masustansiyang pagkain ay kadalasang mas magastos kaysa sa mga instant o processed food. Ang pagpaparehistro sa gym, pagbili ng running shoes, bisikleta, helmet, o iba pang kagamitan sa sports ay nangangailangan din ng puhunan. Ngunit kung iisipin, ang mga ito ay hindi simpleng gastusin. Ito ay pamumuhunan na ang tubo ay hindi pera kundi isang mas matibay na pangangatawan at mas magandang kalidad ng buhay.

Hindi rin sapat ang pera lamang. Kailangang maglaan ng oras para sa sarili. Ang paggising nang mas maaga upang makapag-jogging, ang paglalaan ng oras tuwing katapusan ng linggo para magbisikleta, o ang pakikipaglaro ng sports kasama ang pamilya at mga kaibigan ay mga paraan ng pag-iinvest sa ating kalusugan.

Ang bawat hakbang sa pagtakbo, bawat padyak sa bisikleta, at bawat palo sa bola ay tila paghuhulog sa isang ipon na ang balik ay lakas, sigla, at mas mababang panganib sa iba’t ibang sakit.

Higit pa rito, ang mga gawaing ito ay hindi lamang nagpapalakas ng katawan. Nakababawas din ang mga ito ng stress, nagbibigay ng pagkakataong makisalamuha sa iba, at nagpapasaya sa ating kalooban. Sa gitna ng mabilis na takbo ng buhay, ang paglalaan ng oras upang kumilos at mag-ehersisyo ay isang paalala na mahalaga rin ang ating sariling kapakanan.

Marami ang nagsasabing, “Wala akong oras.” Ngunit ang katotohanan, mas mahirap mawalan ng panahon dahil sa pagkakasakit. Ang ilang minutong inilaan araw-araw sa pag-eehersisyo ay maaaring makaiwas sa mahabang panahong ginugugol sa ospital o klinika. Ang perang ginagastos sa isang bisikleta o sapatos na pangtakbo ay maaaring higit na maliit kumpara sa gastusin sa pagpapagamot ng mga sakit na dulot ng kawalan ng aktibong pamumuhay.

Hindi kailangang maging magastos sa pag-invest sa kalusugan. Ang mahalaga ay ang tuloy tuloy sa pag-aalaga sa sarili. Ang simpleng paglalakad, pagtakbo, pagbibisikleta, pagsali sa mga sports, o anumang pisikal na aktibidad na nagbibigay ng kasiyahan ay hakbang tungo sa mas malusog na buhay. Sa huli, ang tunay na kayamanan ay hindi lamang nasusukat sa laman ng ating pitaka o sa dami ng ating ari-arian. Ang isang malusog na katawan ay nagbibigay sa atin ng kakayahang magtrabaho, mangarap, magmahal, at makasama ang ating mga mahal sa buhay nang mas matagal.

Kaya huwag manghinayang sa oras at perang inilalaan para sa ating kalusugan. Ang bawat pisong ginugol sa sports ay hindi dapat ituring na luho, kundi isang matalinong pamumuhunan na ang tubo ay kalusugan. Huwag isakripisyo ang kalusugan sa pagpapayaman at gagastusin sa huli ang yaman upang maibalik ang kalusugan. Mas mabuti na ngayon ay mag-invest na sa kalusugan.

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

Mag-Invest sa Kalusugan

July 8, 2026 l Pilipino Mirror Kapag tayo ay malusog at malakas, ang dami nating mga prioridad ngunit kapag tayo ay may sakit, iisa lang

Debt-free

July 7, 2026 l Manila Bulletin It is bad enough not to have any savings, but to be in consumer debt is much worse. What

How algorithms divide a nation

July 3, 2026 l BusinessWorld Why is it that despite the abundance of publicly available information about political personalities — their statements, actions, inconsistencies, and

Media and crisis communications

July 2, 2026 l Manila Bulletin When a crisis hits, the atmosphere is filled with intense stress, uncertainty, and chaos. The natural instinct is to

Is the Philippines going into stagflation?

July 1, 2026 l Business Mirror Stagflation is a situation where there is a simultaneous occurrence of high prices (inflation), slow economic growth (drop in

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189