June 24, 2026 l Pilipino Mirror

Pumanaw ang tatay ko noong mismong Father’s Day ng 2013. Umabot siya ng 77 taong gulang. Bago siya nawala, mahigit limang taon din siyang labas-masok sa ospital dahil sa kidney failure at sa iniingatan niyang aneurysm sa tiyan.
Noong ipanganak ng asawa ko ang panganay naming lalaki noong 1994, sa totoo lang, wala pa talaga akong kaalam-alam sa pagiging ama. Ang alam ko lang noon, natural sa akin ang magsumikap at magtrabaho para umasenso ang buhay ng pamilya ko. Todo-suporta ako sa misis ko sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang matalino at puspusan sa mga kompanyang napasukan ko.
Lahat naman tayo, minsan lang mabubuhay, at lahat tayo ay nangangapa sa simula. At na-realize ko, kahit pala ang tatay ko o ang lolo ko—na akala ko noon ay alam na ang lahat ng sagot para gabayan ako—ay nagkakamali at nagkukulang din paminsan-minsan. Unang beses lang din naman kasi nila nabuhay.
Isang CPA ang tatay ko, pero pinili niyang gawing sideline lang ang pagbu-bookkeeping at accounting. Mas nagpokus siya sa pagiging corporate controller at sa executive management.
Noong lumalaki ako, madalas siyang mag-golf at mag-poker. Minsan nga, malalaki ang natatalo sa kanya sa pustahan kasama ang mga kaibigan niya—mga halagang hindi ko kayang ipusta ngayon, kahit lumipas na ang mahigit anim na pung taon. Dahil ayaw ko sa pakiramdam ng nakikipagsapalaran sa pera, iniwasan ko talaga ang sugal. Hindi ko man lang sinubukang mag-aral ng poker, mahjong, o anumang laro sa baraha. Pero nag-golf ako, kasi gusto ko lang makasama si Papa. Pagkatapos ng laro, kumakain lang ako mag-isa o kasama ang aking mga batang kalaro habang siya naman ay nandoon sa kabilang lamesa kasama ang mga barkada niya, umiinom ng beer, nagtatawanan at paminsan minsan ay minamasid ako sa golf club.
Ngayon, tuwing nasa locker room ako ng golf course, napapatingin ako sa salamin. At doon, nakikita ko ang isang matandang lalaki—ako na pala ‘yon. Minsan, sa mga simpleng sandaling iyon, parang nakikita ko ang tatay ko sa sarili kong repleksyon. Kaya binabati ko siya—at ang sarili ko rin—ng isang magandang araw.
Kapag nagtatrabaho ang tatay ko sa mga sideline niyang bookkeeping at tax reporting, lalo na kapag malapit na ang deadline sa BIR, talagang nagpupuyat siya nang todo. Hindi siya natutulog hangga’t hindi tapos ang trabaho. Noong nasa 30s na ako, napansin kong nakuha ko rin ang ganoong ugali kapag nagmamadali sa mga deadline at report.
Minsan nga, sinabi sa akin ng anak ko na ang natatandaan daw niya sa akin, palagi akong nakaharap sa laptop at worksheets, tutok na tutok sa mga financial projections at valuations.
Parang ang mga tatay kasi, palaging nakalaan para sumabak sa giyera o mangaso para sa pagkain. Sinisiguro nating may pagkain sa lamesa at ligtas ang kinabukasan ng pamilya. Pero dahil palagi tayong nasa labas para magtrabaho, minsan ay may mga mahahalagang sandali tayong namimiss sa paglaki ng ating mga anak.
Tulad ng aking tatay, mahilig din akong mamalengke ng pagkain para sa bahay. Muli kong nahanap ang hilig na ito noong panahon ng Covid, dahil ako lang ang may lakas ng loob na lumabas para mamili ng mga kailangan sa bahay.
Ibibigay ko na lang ang mga pinamili ko sa kasambahay namin para ihanda ang supply namin para sa buong linggo.
Ang nakapagtataka, marahil dahil nakapag bakuna ako ng maaga, ako lang sa bahay namin ang hindi tinamaan ng covid ng panahon ng kasagsagan nito. Napaiyak na lang ako ng malaman ang hawaan ng covid sa lahat ng nakatira sa aming bahay matapos ang unang bakuna nilang lahat, at wala akong magawa kundi kumunsulta sa doktor online at ibigay o bilhin ang medisina at sundin ang mungkahi nito.
Malaki ang binago ng Covid at ng internet technology, lalo na noong Marso 2020. Ang mga executive, pinayagan nang magtrabaho sa bahay gamit ang mga datos na dati ay sa opisina lang pwedeng makita. Doon ko napagtanto na habang umuunlad ang career mo, dapat marunong ka ring mag-adjust para mas maging balanse sa pamilya ang trabaho o negosyo mo.
Dahil sa huli, hindi naman tayo sa kumpanya magre-retire, kundi sa pamilya natin—sa mga taong kasama natin noong bata pa tayo.
Pakiramdam ko, naghahanda na naman ako sa panibagong laban sa buhay: ang pagtanda, at kung paano ito haharapin nang may karunungan. Lahat ng ama ay minsan lang dadaan sa buhay na ito, kaya lahat tayo ay nangangapa. Kailangan lang talaga ng tamang pag-aalaga at pagpapatakbo sa buhay. Balansehin ang mga gawain, pero dapat maging mahusay ka sa kung ano ang pinakamahalaga.
Noong branch manager pa ako sa isang bangko, may nag-alok sa akin na pamunuan ang regional lending sa ibang bangko din. Agad akong humingi ng payo sa tatay ko. Dahil alam niya ang limitasyon niya, pinayuhan niya akong kumonsulta rin sa isang negosyante na may malawak na karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga bangko. Ipinakilala niya ako sa matalik niyang kaibigan noong kolehiyo na taga-Davao, si Braulio Lim, o “Tito Brau” kung tawagin namin. Kamag-anak din siya ng asawa ko.
Ang pinakagusto ko sa mga pag-uusap namin ni Tito Brau, ginagawa namin ito habang naghahapunan at may kasamang masarap na whiskey mula sa bar niya. Palagi silang handang tumulong ng asawa niyang si Tita Rene, na kapatid ng tatay ng misis ko. Ginabayan nila kaming mag-asawa. Dahil malapit lang ang bahay nila sa lungsod, napakalaking tulong din nila tuwing kailangan naming mapalapit sa mga opisina o, kalaunan, sa ospital.
Habang tumatanda ang isang tao, dapat nagiging mas matalas ang pagpapasya. Alamin kung ano ang mabuti at masama para sa pamilya. Yakapin ang mabuti at iwasan ang masama. May mga kahinaan tayo, gaya ng sinumang ama na naglalakbay sa buhay na ito sa unang pagkakataon. Makinig sa payo at alagaan ang relasyon mo sa mga taong pinahahalagahan mo at may ambag sa kinabukasan na gusto mong marating. Ipakita mo sa kanila na mahalaga ang kanilang payo, para mas lalo silang maging handa na tulungan ka.
Noong nakaraang linggo, nagpokus ako sa kalusugan ko. Nagpatingin ako sa doktor, nakinig sa payo nila, kumuha ng mga reseta, at nagpa-iskedyul ng lab tests. Nagpa-flu shot at shingles vaccine na rin ako noong Linggo. Bukod dito, nagsimba rin ako—na sinisikap kong gawin araw-araw para humingi ng tamang gabay at mga pagpapala ng Panginoon. Naisip ko kasi, bilang ama, dapat tayo rin ang nangunguna sa pag-aalaga ng ating katawan at espirituwal na buhay. Ang pagiging handa ay nangangahulugang pagtanggap sa tulong ng mga eksperto at ng Diyos. Sa paghingi ng payo at gabay, ikaw ang may kontrol sa takbo ng buhay mo, para masuportahan mo ang pamilya mo nang walang biglaang problema. Paikli nang paikli ang buhay, kaya dapat nating sulitin ang kalidad ng ating kalusugan, pananampalataya, at mga relasyon.
Kaya naman, tinutuloy ko pa rin ang araw-araw kong ehersisyo tulad ng paglalakad, pagbubuhat ng weights, at paggo-golf. Nakikipagkita rin ako sa mga kasamahan ko sa finance sa mga committee meeting at fellowship.
Nagkaroon din ako ng “me time” at sa wakas ay nakapagpagupit na rin. Nagkaoras din akong makipag-video call sa mga kapatid kong babae.
Kumpleto ang selebrasyon ko ng Father’s Day.
Para mapaganda pa ang lahat, ipinagdiwang ng anak kong si Carl at ng manugang kong si Toni
ang Father’s Day kasama ko. Maaga kaming nagsimula; dalawang sunod na gabi kaming nag-steak at wine sa bahay.
Mukhang hilig talaga ng mga tatay ang steak kapag ganitong okasyon, kasi napansin naming halos maubusan na ng supply ang paborito naming bilihan kahit isang araw bago pa ang Father’s Day. Nakasama rin namin ang dalawang kaibigan ng anak ko—ang isa ay pumanaw na ang ama, at ang isa naman ay nasa oil tanker ang tatay kaya hindi nakauwi. Nagkuwentuhan kami tungkol sa mga tatay nila at kung paano sila nagsumikap para sa pamilya. Patunay lang na halos iisa lang ang landas ng mga ama: ang magtrabaho nang marangal at ang makapiling ang pamilya.
Samantala, kahit nasa ibang lungsod ang anak kong si Nia, nag-post siya ng pagbati para sa Father’s Day na talagang nagbigay ng labis na pananabik at pride sa akin. Mahaba ang naging kuwentuhan namin sa video call—isang teknolohiya na pangarap lang natin noong bata pa ako.
Isang malaking karangalan ang maging isang ama, at ang makitang lumalaki ang aking mga anak na may pagmamahal at kaligayahan sa kanilang mga mata.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email carlosrheal@yahoo.com. Photo is from Pinterest.