September 3, 2025 l Pilipino Mirror

Naibahagi ko na sa aking mga naunang artikulo na kung nais matuto sa larangan ng pinansiyal ay nagkalat na sa internet ang mga maaaring mapagkunan ng pag-aaralan.
May mga librong pampinansiyal, mga artikulo na tulad nito, at mga financial advisors din na gumagawa ng mga vlogs upang makapagbahagi ng kanilang kaalaman ukol sa pananalapi.
Bukod sa mga ito, mayroon pa kayang ibang mapagkukunan? Naisip ko lang para sa artikulong ito na posible bang may mga aral din sa Banal na Kasalutan ukol sa larangan ng pinansiyal? Kung mayroon man, naangkop kaya mga ito sa mga panahon ngayon? May mga ilang talata akong nasaliksik at subukan nating himayin ang mga ito hindi bilang pari or pastor ngunit bilang mga mag-aaral na nais matuto sa larangan ng pinansiyal.
Una, sa Lucas 14:28, “Kung ang isa sa inyo’y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo?” Maihahalintulad natin ang talatang ito sa konsepto ng planning at budgeting. Napakahalaga na magkaroon muna ng sariling pagtatasa ng mga kapital, mga mapagkukunan, at mga gagastusin kung sakaling pagpapasok sa larangan ng pag-iinvest o kaya naman ay pag-tatayo ng negosyo. Ika nga ni Franklin, “Failing to plan, is planning to fail”. Sa pagpaplano, magkakaroon tayo ng malinaw na direksiyon na tatahakin, maayos na pag-lalaan ng kapital, at makahanap ng posibleng alternatibo at solusyon kung sakaling magka-arberya.
Sunod, ang sabi sa Ecclesiastes 11:2, “Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.” Sa aspeto ng pag-iinvest, ito ang tinatawag na “diversification”. Sa konsepto ng diversification, hinihikayat ang isang nag-iinvest na hatiin sa ibat-ibang produkto, negosyo, at investments upang maikalat at mahati sa mga ito ang mga panganib o risks na kaakibat ng mga ito.
Ang pagkakaroon ng multiple income streams o iba’t ibang medium ng pagkakakitaan ay isang paraan upang mabawasan ang masamang epekto kung sakaling may mabigo at mawala ang isa sa mga pinaglaanang investments. Sa madaling salita, isa itong paraan ng risk management.
Ang huli ay ang Kawikaan 21:20, “Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan.” Dito ay ipinakita sa atin ang kahalagaan ng paghahanda sa kinabukasan, pag-iipon at pagiging mabuting katiwala ng ating mga probisyon. Tinawag na kamangmangan ang pagwawaldas o ang walang disiplinang pag-gastos ng kung ano man ang mayroon tayo. Ang pagkontrol sa pag-gasta sa mga walang kabuluhang mga bagay upang makapag-ipon ay isang mabisang paraan upang mapag-handaan ang kinabukasan. Marunong ang taong nag-hahanda para sa kanyang kinabukasan.
Malaki ang posibilidad na ang nasabing mga turo at talata ay mas malalim na kahulugan at maaaring walang kinalaman sa aspetong pampinansiyal. Ngunit kung ihahalintulad lamang ang mga ito sa turo ng financial literacy ay nakamamanghang naangkop din ang mga ito maging ngayon sa kasalukuyan. Ang pagpaplano, disiplina, pag-titipid at pag-iipon ay mga paraang upang mapaghandaan ang ating kinabukasan.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.