Epekto ng taripa ni trump sa ekonomiya

July 16, 2025 l Pilipino Mirror

Mula agosto 1, pinapatawan ni US President Donald Trump ng 20 porsyentong taripa ang mga export product ng Pilipinas sa Amerika.

Ito ang nakasaad sa sulat niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 9 na tinaasan pa ang unang naiulat na 17 porsiyentong taripa mula Abril 9. Ngunit binawi ito ni Trump at sinabing ipagpapaliban niya muna ng 90 araw upang magkaroon ng negosasyon ang mga trade official ng dalawang bansa.

Nadismaya ang mga nego­syanteng Pilipino sa panukalang ito. Unang nagsalita ang mga pinuno ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII).

Ayon kay PCCI President Enunina Mangio, ang mataas na ta­ripa nagbabanta sa competitiveness ng mga negosyong nag-eexport sa Estados Unidos pati ang mga manggagawa nila. Dahil dito, nananawagan si Mangio sa ating gobyerno na taasan ang budget sa research, deve­lopment, technology, at market intelligence para masuportahan ang lokal na mga industriya.

Dapat din daw maghanap ng iba pang mga bansang mag-aangkat ng produktong Pinoy upang maging viable ito sa global market, habang pabilisin ng pribadong sektor ang mga investment sa automation, logistics, at workforce upskilling. Lalo pa raw paiigtingin ang regional trade partnerships samantalang pagbubutihin ang ating imprastraktura, supply chain efficiency, at cost competitiveness.

Sa bahagi naman ni FFCCCII President Victor Lim, nababahala ang mga negosyanteng Chinoy sa nagpaparusang taripa. Labag daw ito sa mga prinsipyo ng fair trade at papanghinain ang rules-based global trading system.

Bukod sa masamang epekto ng taripa sa mga mamimili at negosyong Pilipino at Amerikano, magdudulot pa raw ito ng disruption sa supply chain ng dalawang bansa at magi­ging mapanganib na precedent sa pagkawatak-watak ng parehong ekonomiya.

Idineklara ni Lim na ang FFCCCII ay handang suportahan ang pamahalaan ni Marcos sa paggamit ng diplomasya kapag ito’y nakikipagnegosasyon sa gobyerno ni Trump tungkol sa kala­kalan ng Pilipinas at Amerika. Kabilang nito ang istriktong pagpapatupad ng anti-dumping at anti-smuggling regulations pati na rin ang paglunsad ng mga support mechanism para sa mga apektadong sektor.

Mahigit sa 170 business at trade organizations ang nasasakop ng FFCCCII sa buong bansa. Kamakailan lang nila itinanghal ang mga nagwagi sa Tiktok video competition tungkol sa ika-50 na anibersaryo ng pagtatag ng relasyong diplomatiko sa pamamagitan ng Pilipinas at Tsina.

Sa nalalapit na paglalakbay ni Marcos sa Washington DC mula Hulyo 20, sana mabigyan pansin ang mungkahi ng mga trade official natin na pababain o alisin ang taripa ni Trump sa mga produkto ng Pilipinas bilang matalik na kaalyado ng ­Amerika sa ating bahagi ng Asia-Pacific region.

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

FINEX Sustainability Handbook

March 06, 2026 l BusinessWorld In a time when climate risks are no longer distant threats but daily realities, the FINEX Foundation Environment Committee chaired

Pera gamit ang AI

March 04, 2026 l Pilipino Mirror Marami ang nagtatanong sa akin kung paano ba talaga kumita gamit ang AI. Hindi lang ito tungkol sa paggamit

The Woes of a Rice-Eating Nation

March 04, 2026 l Business Mirror Eighty percent or 110 million Filipinos eat three cups of rice a day, making it the major staple. A

FINEX sustainability handbook is out

March 03, 2026 l Manila Bulletin The FINEX Environment Committee Handbook has finally been completed, with both printed copies and a digital version now available.

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189