June 25, 2025 l Pilipino Mirror

Isa sa mga librong nakapagpabago ng aking pananaw sa buhay ay ang librong “Think and Grow Rich” ni Napoleon Hill.
Sa mga panahong pinanghihinaan ako ng loob ay binabalikan ko ang librong ito at binabasa. Binabahagi ng librong ito ang ilang mga aktwal na kuwento ng mga matatagumpay na indibidwal ukol sa kanilang paghihirap, pagsusumikap, pag-asa at pag-unlad. Isa na rito ang kuwento na pinamagatang “Three Feet from Gold”. Tungkol ito sa karanasan ng isang minerong si R.U. Darby noong panahon ng gold rush sa Colorado. Kaagapay ng kanyang tiyuhin at ilan pang mga kasama ay nagpundar sila ng mg kagamitan at pumasok sa larangan ng pagmimina ng ginto.
Noong una ay sinuwerte ang grupo at nakakakuha ng ilang mga piraso ng ginto. Ngunit nang kalanunan ay paunti nang paunti ang namimina nila hanggang sa wala nang makuha ang mga ito. Sa pag-aakala ni Darby na wala na talagang ginto sa napili nilang lupa ay pinatigil na niya ang paghuhukay. Upang mabawi ang kanilang pinuhunan ay ibinenta niya ang mga napundar nilang kagamitan sa isang mangangakal ng bakal.
Matapos nito, ang nasabing mangangakal ay kumonsulta sa isang eksperto upang pag-aralan ang minang iniwan ni Darby. Lumabas sa pag-aaral na maaaring lumihis lamang ng ugat ng ginto dahil sa natural ng paggalaw ng lupa. Itinuloy nila ang paghuhukay sa rutang iniwan ni Darby at natagpuan ang pinakapuno ng ginto, tatlong talampakan lamang mula sa punto kung saan sumuko sa paghuhukay sina Darby. Naging milyonaryo ang mangangakal ng bakal habang lugi naman si Darby.
Maaaring ang paghinigi ng payo sa eksperto ukol sa negosyo ang ating makukuhang aral mula sa kuwentong ito. At ang kakulangan naman ng kaalaman ni Darby sa pagmimina ang naging sanhi ng kanyang pagkabigo. Ngunit hindi rito nagtatapos ang kuwento. Itinuring ni Darby ang karanasang ito bilang isang aral imbes na ibaon siya nito sa pagsisisi, panghihinayang at kabiguan. Ang tunay na ginto ay nasa kanyang pananaw sa buhay at walang tigil nitong pagnanais na umunlad. Kalaunan ay nalampasan pa niya ang yamang natagpuan sana niya sa pagmimina ng ginto noong pasukin niya ang mundo ng pagbebenta ng life insurance.
Aniya, “Tumigil ako tatlong talampakan mula sa ginto, hindi ako titigil dahil lamang humindi ang mga tao kapag inalok ko sila ng insurance.” Naging matagumpay si Darby at noong panahon niya ay napabilang siya sa maliit na grupo ng mga indibidwal na nakakabenta ng higit sa milyong dolyar na life insurance taon-taon.
Sa larangan ng negosyo, trabaho, at iba pang tahakin patungo sa pag-unlad ay mas madalas ang pagkabigo kaysa sa tagumpay. May panahon na tuloy-tuloy ang suwerte tapos bigla na lamang darating ang pagsubok na magiging dahilan ng ating pagtigil at pagsuko. Maiisip natin na parang walang patutunguhan ang pagkayod at pagsusumikap. Ngunit tulad sa karanasan ni Darby, ang bawat pagsubok at kabiguan ay aral upang mas maging maalam at matatag. Huwag basta sumuko. Malay natin, tatlong talampakan na lamang pala ang pagitan mo mula sa pagsusumikap at minimithing ginintuang tagumpay.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.