June 10, 2026 l Pilipino Mirror

Stocks o bonds?
Ang dalas kong makatanggap ng tanong na ganito kung saan nga ba mas magandang mag-invest. Sa totoo lang, sa tingin ko ay medyo makaluma na ito sa dami na ng mga financial options na maaaring paglagakan ng pera at mag-invest.
Ang maiksi kong sagot, sa stocks kasama ka sa kita at sa bonds naman may interest ka. Makaluma man ay ang stocks at bonds pa rin ang dalawa sa mga pinakakilala, ligtas at maaasahang investment instruments. Bagama’t pareho silang maaaring magbigay ng kita, magkaiba ang kanilang katangian, antas ng panganib, at potensiyal na balik sa puhunan.
Ang bonds ay maituturing na isang uri ng pautang na ibinibigay ng mamumuhunan sa gobyerno o pribadong kompanya. Kapalit nito, nangangako ang nag-isyu ng bond na magbayad ng regular na interest at ibalik ang orihinal na puhunan sa takdang panahon. Dahil dito, karaniwang itinuturing na mas ligtas ang bonds kaysa sa stocks.
Ang mga mamumuhunan na naghahanap ng mas matatag na kita ay kadalasang naaakit sa bonds. Gayunpaman, may kaakibat ding limitasyon ang ganitong uri ng investment. Bagama’t mas mababa ang panganib, kadalasan ay mas mababa rin ang potensyal na kita.
Maaari ring maapektuhan ng inflation ang tunay na halaga ng kikitain mula sa bond, lalo na kung mababa ang interest rate.
Samantala, ang stocks ay kumakatawan sa pagmamay-ari ng bahagi ng isang kompanya. Kapag bumili ng stock ang isang mamumuhunan, nagiging bahagi siya ng negosyo at maaaring makinabang sa paglago nito. Kung tataas ang halaga ng kompanya, tataas din ang halaga ng kanyang investment.
Maaari rin siyang makatanggap ng dividends kapag nagbahagi ng kita ang kompanya sa mga shareholders. Dahil sa potensiyal nitong magbigay ng mas mataas na kita, maraming mamumuhunan ang naaakit sa stocks. Subalit kaakibat nito ang mas mataas na panganib o risk. Ang presyo ng stocks ay maaaring tumaas o bumaba depende sa kalagayan ng ekonomiya, industriya, at maging sa sentimyento ng merkado.
May mga pagkakataong malaki ang maaaring kitain, ngunit mayroon ding pagkakataong maaaring makaranas ng pagkalugi. Dahil dito, ang stocks ay mas angkop sa mga mamumuhunang may mahabang panahon upang maghintay at may kakayahang tanggapin ang pagbabago-bago ng halaga ng kanilang stock investment.
Kung susuriin, walang iisang sagot kung alin sa dalawa ang mas magandang piliin dahil nakadepende ito sa layunin at sitwasyong pinansyal ng bawat tao. Kung ang pangunahing hangarin ay mapanatili ang kapital at magkaroon ng regular na kita, maaaring mas angkop ang bonds. Ngunit kung ang layunin ay mapalago nang mas mabilis ang puhunan at handang harapin ang mas mataas na panganib, maaaring mas mabuting piliin ang stocks.
Sa katunayan, maraming eksperto ang naniniwalang ang pinakamainam na estratehiya ay hindi ang pagpili ng isa lamang kundi ang pagkakaroon ng balanseng kombinasyon ng stocks at bonds.
Sa ganitong paraan, napagsasama ang katatagan ng bonds at ang potensyal na paglago ng stocks. Don’t put your eggs in one basket ika nga. Mainam na balanse. Ikalat ang risks at samantalahin ang bawat potential. Kaya hindi stocks o bonds, kundi stocks at bonds.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.