May 21, 2026 l Pilipino Mirror

Ilang mga lider ng industriya at business organizations sa Pilipinas ang nagpahayag ng pagkabahala sa nagaganap na kaguluhan sa Senado, partikular sa tensiyon kaugnay ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Lalo pa silang dismaya sa mga ulat ng putukan sa loob ng Senate complex, at mga alegasyong may mga maniobrang pampulitika na nagpapahina sa katatagan ng mga institusyon ng gobyerno.
Nalulungkot ang Federation of Philippine Industries (FPI) na ang mga pangyayaring ito ay nagdudulot ng pangamba hinggil sa pamamahala, kumpiyansa ng investors, at pagpapatupad ng batas. Ayon kay FPI chair Elizabeth Lee, kailangan ng business sector ang katiyakang matatag ang mga institusyon, umiiral ang batas, at gumagana ang pamahalaan nang may transparency at accountability.
Nagpahayag din ng pangamba ang Foreign Buyers Association of the Philippines (FBAP) sa maaaring negatibong epekto ng malawakang kaguluhan sa Senado sa imahe ng bansa sa paningin ng mga dayuhang kliyente at mamumuhunan. Ayon sa FBAP, may ilang foreign buyers na umano’y nagpapaliban ng mga pagbisita at pagpupulong dahil sa pangamba sa kawalang-katatagan, panganib sa seguridad, at matagal na kawalang-katiyakang pampulitika sa Pinas.
Nababahala ang mga business group na ang kaguluhan sa Senado – kabilang ang mga pagbabago sa liderato, tensiyon kaugnay ng impeachment, at kontrobersiyal na paghawak sa pagtakas ni Dela Rosa – ay maaaring makadagdag sa negative economic sentiment ngayon na napakasensitibong panahon para sa bansa.
Lalong uminit ang kontrobersiya matapos ang madramang pagpapalit ng liderato sa Senado na nagluklok kay Alan Peter Cayetano bilang Senate President habang nakaamba ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Iginiit ng maraming netizens na ginagamit umano ang procedural technicalities at political shenanigans upang protektahan ang mga kaalyado o ipagpaliban ang proseso ng pananagutan.
Kabilang sa mga kamakailang pangyayari ang tensiyonadong komprontasyon sa loob ng Senado habang tinatangkang ihain ng mga awtoridad ang International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban kay Dela Rosa.
May mga ulat din ng warning shots at security breakdowns sa loob ng Senate premises, pati alegasyong ginamit ang proteksiyon ng Senado at mga maniobrang pampulitika upang tulungang makaiwas sa pag-aresto kay Dela Rosa.
Para sa maraming lider-negosyo, hindi usapin ng partidong pampulitika ang pinakamahalaga kundi ang predictability, kredibilidad ng mga institusyon, at ang maayos na pagsunod sa mga demokratikong proseso.
Karaniwang itinuturing ng mga mamumuhunan ang matagal na kaguluhang konstitusyonal bilang panganib na maaaring makaapekto sa capital flows, currency stability, at pangmatagalang pagpaplano ng ekonomiya.
Sa isang matapang na joint statement na pinangunahan ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), nagpahayag ng matinding pagkabahala ang 11 major business at civic organizations kaugnay ng mga pangyayari sa Senado. Binigyang-diin ng koalisyon na dapat manaig ang mga prosesong konstitusyonal sa impeachment court trial kaysa sa pansariling interes ng politika.
Nagbabala rin sila na ang patuloy na kaguluhan sa Senado ay maaaring makasira sa investor confidence, makapagpahina sa mga demokratikong institusyon, at makabawas sa tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Kasama ng FINEX sa mga lumagda ang FPI, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Shareholders’ Association of the Philippines, Justice Reform Initiative, at iba pang reform-oriented civic organizations. Hinimok nila ang mga senador na agad magtipon bilang impeachment court at magsagawa ng patas, walang kinikilingan, at transparent na paglilitis alinsunod sa Konstitusyon at rule of law.
Ayon sa mga negosyante, matinding sinusuri ngayon ng publiko ang kredibilidad ng Senado matapos ang magulong linggo na nag-umpisa sa isang dramatikong leadership coup kung saan napatalsik si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at pinalitan ni Cayetano. Kasabay nito ang pagtatangka ng mga awtoridad na ihain ang ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa na nagdulot umano ng lockdowns at tension sa loob ng Senado.
Iginiit ng industry leaders na bagama’t likas na politikal ang impeachment, mahalagang mapanatili ang integridad ng proseso upang mapreserba ang pagiging lehitimo ng mga institusyon. Nilinaw din ng koalisyon na ang pagbuo ng impeachment court ay hindi nangangahulugang may sala si Sara Duterte kundi pagbibigay lamang ng pagkakataon para sa due process, presentasyon ng ebidensiya, at konstitusyonal na pananagutan.
Nagbabala rin ang business organizations na anumang pagtangging ituloy ang impeachment trial, o anumang pagtatangkang ibasura agad ang kaso nang hindi dinidinig ang ebidensiya, ay maaaring magbigay ng mapanganib na mensahe na kayang manaig ng political alliances laban sa tungkuling konstitusyonal.
Ayon sa kanila, maaaring magdulot ito ng pag-atras ng mga mamumuhunan, dagdag na policy uncertainty, at paghina ng reputasyon ng Pilipinas bilang isang matatag na demokrasya sa panahong nahaharap ang ekonomiya sa iba’t ibang pandaigdigan at lokal na problema. Kaya dapat umayos na ang mga senador at huwag nila subukang galitin ang taumbayan dahil nawawalan na ng pasensya ang mga Pilipino at baka malapit nang sumabog ang tinatawag na social volcano.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.