December 3, 2025 l Pilipino Mirror

Nararamdaman na nating lahat ang simoy ng Pasko kapag nagsisimula na ang usapan tungkol sa Christmas party. Pero ngayong mas praktikal na ang mga tao, kailangan nating mag-isip kung paano mag-organisa ng isang kasiyahan na masaya pero hindi magastos.
Hindi madaling pagsabayin ang saya at pagtitipid, pero posible ito kapag maaga tayong nagplano at malinaw ang gusto nating mangyari.
Una sa lahat, kailangan nating alamin kung magkano lang ba talaga ang kaya ng grupo. Minsan kasi masyado tayong nadadala sa dami ng gustong gawin. Kaya mas mabuting magtakda ng isang totoong budget at doon umiikot ang lahat ng desisyon. Kapag malinaw sa atin ang limitasyon, mas mabilis tayong makakapili ng lugar, pagkain, at programa. At kung tutuusin, hindi naman kailangan ng mamahaling venue. Pwede naman sa opisina, bahay ng kasama, o kahit sa isang simpleng function room na may sapat na espasyo. Mas nagiging personal pa nga ang ganitong setup.
Sa pagkain, mas nakakatipid kapag potluck dahil lahat may ambag. Nagiging mas masaya pa dahil iba-iba ang putahe. Kung gusto naman nating magpa-cater, piliin ang mga kilala na sa atin para sigurado sa lasa at presyo. Hindi kailangang bongga ang menu; basta sapat at masarap, solve na ang lahat.
Para sa palaro at pa-premyo, puwede tayong gumawa ng mga activity na hindi nangangailangan ng malaking gastos. Maraming laro ang kailangan lang ng papel, bolpen, o kaunting props. Ang importante ay tumatawa ang lahat. Kung magbibigay man ng regalo, pwedeng magtakda ng maliit na halaga para pantay. Mas nagiging mababawasan ang pressure at mas nagiging tunay ang palitan. Minsan pa nga, mas naa-appreciate ang mga simpleng bagay kaysa sa magarang items.
Higit sa lahat, ang pinakamahalaga ay ‘yung samahan natin. Napapansin natin na kahit simple ang party, nagiging espesyal ito kapag sama-sama tayo. Hindi sa halaga ng dekorasyon nakikita ang diwa ng Pasko, kundi sa mga kwentuhan, tawanan, at mga sandaling sabay-sabay tayong nagpapahinga mula sa gulo ng araw-araw. Sa huli, kapag malinaw ang plano at bukas ang lahat sa pagtutulungan, nakakabuo tayo ng isang Christmas party na tunay na masaya at abot-kaya—isang alaala na bitbit natin pagtapos ng taon.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.