August 13, 2025 l Pilipino Mirror

Madaling gastusin ang pera na hindi pinaghirapan. Kapag biglang may dumating na ayuda, madalas ang unang iniisip ay paano ito gagastusin ngayon, hindi paano ito mapapahaba o mapapalaki.
Lalo na sa mga pamilyang sanay sa araw-araw na pakikipagsapalaran para lang may makain, ang perang biglang dumarating ay parang biyayang dapat ipagdiwang agad. Kaya marami ang bumibili ng mga bagay na hindi naman talagang kailangan, o inuubos sa iisang araw ang halagang dapat sana ay tumagal ng isang linggo.
Ang ayuda ay malaking tulong sa oras ng krisis. Naramdaman ito lalo noong pandemya, kung saan maraming nawalan ng trabaho. Pero hindi ito pangmatagalan. Kapag nakasanayan na umasa sa bigay ng gobyerno o ng iba, nawawala ang disiplina at pagsusumikap para maghanapbuhay. Hindi rin kayang ipagpatuloy ng gobyerno na magbigay palagi, lalo na kung limitado ang pondo. Kapag natigil na ang ayuda, bumabalik ang problema sa kakulangan ng kita, at mas mahirap makabangon dahil walang stable na pinagkukunan ng pera.
Mas matibay ang kinabukasan kung marunong kumita at marunong mag-ipon. Halimbawa, ang isang nakatanggap ng ayuda ay maaaring gumamit ng parte nito para magsimula ng maliit na negosyo, gaya ng pagtitinda ng kakanin o gulay.
May mga kuwento ng mga taong ginamit ang natanggap nilang pera para bumili ng gamit sa trabaho—kariton, sewing machine, o kahit simpleng cellphone para makapag-online selling. Unti-unti, dumadaloy ang kita at natututo silang palaguin ito.
Ang sipag at tiyaga ang tunay na puhunan para maging tuloy-tuloy ang daloy ng pera. Kapag sariling pawis at oras ang puhunan, mas pinapahalagahan ang bawat piso. Natututo ring magplano, mag-ipon, at maghanda para sa hinaharap. Ang tulong ay dapat maging panimula, hindi maging permanente. Dahil kapag nasanay sa pag-asang may darating na libre, mahirap matutong magbanat ng buto at magsarili.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.