April 9, 2025 l Pilipino Mirror
Hindi biro ang epekto ng trade war na sinimulan ng Amerika sa pamamagitan ng bagong taripa sa mga imported na produkto. Habang lumalalim ang tensiyon, ramdam agad ito ng mga negosyante at empleyado. Kung hindi tayo kikilos ngayon, baka tayo ang maunang tamaan.
Bilang isang negosyante, hindi sapat ang maghintay. Kailangan mong pag-aralan kung alin sa mga produkto mo ang posibleng maapektuhan. Kung may raw materials kang inaangkat, siguraduhing may alternative ka sa loob ng bansa o sa ibang mas murang source. Sa totoo lang, panahon na rin siguro para suportahan ang lokal na produkto. Oo, baka hindi agad kasing kalidad, pero baka mas matatag ito sa panahong pabago-bago ang takbo ng pandaigdigang kalakalan. Isa pa, baka mas mura pa sa huli.
Kailangan ding bantayan ang foreign exchange rates. Sa ganitong sitwasyon, mabilis gumalaw ang halaga ng dolyar. Puwedeng magbago ang presyo ng mga inaangkat mo kahit hindi mo pa ito nare-receive. Kung may kliyente kang apektado ng trade war, kausapin na agad. Maiging alam mong maaga kung kailan sila titigil mag-order, kaysa mabigla ka na lang.
Para sa isang empleyado, hindi ito panahon para magkampante. Mag-invest sa skills na hindi madaling palitan. Kung may oras ka, mag-aral ng bagong software, mag-training, o maghanap ng side hustle. Hindi natin hawak ang desisyon ng kompanya, pero hawak natin kung paano tayo magiging handa sakaling may pagbabago sa trabaho.
Ang trade war ay parang bagyong hindi natin kayang pigilan, pero puwede tayong maghanda. Hindi natin alam kung gaano ito katagal, pero mas mabuti na ang maagap kaysa sa manghinayang sa huli. Sa panahong ito, ang pagiging alerto at handa ang puwedeng magligtas sa negosyo at kabuhayan natin.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email rey.lugtu@hungryworkhorse.com. Photo is from Pinterest.