Earvin Salangsang l July 10, 2024 l Pilipino Mirror
NOONG nakaraang Miyerkules, June 26, ay naghandog ang Financial Executives of the Philippines katuwang ng DES Financing Corporation ng forum sa wealth management, tax strategies at retirement na pinamagatang “The Golden Years”.
Ibinahagi rito ng ilang eksperto ang kanilang pananaw, kaalaman at karanasan ng buhay retirado. Sa dami ng aming napulot na kaalaman mula sa aming mga guest speakers, marahil hindi lamang ako ang nabitin at humihiling na sana ay may Part 2 ang forum na ito at sana ay sa mas malaking audience na. Kulang ang column na ito upang maibahaging lahat ng natutunan ko roon ngunit may isang simpleng formula na maaari kong ibahagi rito na lubos na makakatulong – ang formula sa pag-compute ng retirement fund.
Sa aktuwal na aplikasyon ng formula para sa retirement fund ay napakaraming aspeto ang kailangang isaalang-alang. Nariyan ang inflation, gastos at uri ng pamumuhay, kalusugan, buwis, rate of return ng iyong ipon at iba pang economic factors. Kaya naman, simpleng arithmetic lang gagamitin natin dito.
Una, kunin ang pagitan ng iyong desired retirement age at ang edad mo ngayon. Halimbawa, gamitin na lang natin ang retirement age sa bansa na 65-anyos at ang edad mo ngayon ay 35-anyos, (65 – 35 = 30). Ibig sabihin nito ay mayroon pa tayong 30 taon para mapaghandaan ang retirement. Pangalawa, kunin ang pagitan ng iyong life expentancy at retirement age. Sabihin na natin na aabot tayo hanggang 80-anyos kaya ang retirement years natin ay 15 taon, (80 – 65 = 15).
Ngayon naman ay kunin natin ang ating buwanang gastos. Para mapadali, sabihin nalang natin na gumagastos tayo ng ₱30,000 kada buwan kasama na lahat ng gastos tulad ng tubig, koryente, pagkain at pag-aaral sa mga anak. Dahil nga hindi na natin ilalagay ang epekto ng inflation, sabihin nal ang natin na hindi magbabago ang iyong buwanang gastos hanggang umabot ka ng 80-anyos.
Sa isang taon ay gumagastos ka ng ₱360,000, (₱30,000 X 12 buwan). Sunod nito ay i-multiply natin ang ating taunang gastos sa ating retirement years at ang ating makukuhang halaga ay ₱5,400,000 na kailangan natin ipunin, (₱360,000 x 15 taon).
Ngayong alam na natin kung magkano ang kailangan natin maipon bago magretiro, i-divide naman natin sa ating pre-retirement years o 30 taon para sa ating halimbawa. Ang makukuha natin ay ₱180,000 kada taon, (₱5,400,000 ÷ 30 taon) o ₱15,000 kada buwan, (₱180,000 ÷ 12 buwan). Sa madaling salita, kailangan mong makapag-ipon ng ₱15,000 kada buwan mula ngayon hanggang sa edad na 65-anyos upang masustentuhan mo ang iyong sarili hanggang sa edad na 80-anyos.
Napakadali lang, ‘di ba? Ang tunay na mahirap ay ang ay pagdedesisyon kung kailan uumpisahan, pagpaplanuhan, at bibigyan ng atensiyon ang pag-iipon at pag-iinvest para sa pagreretiro. Marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagpaplano lamang kung kailan malapit na ang kanilang pagreretiro at doon lamang nila malalaman na hindi pala sapat ang kanilang retirement pay na nakuha mula sa kompayang kanilang pinagtrabahuan at sa gobyerno. Kaya patuloy pa rin tayo sa pagtuturo upang maihanda ang nakararami. Compute na!
*** Ang may akda ay Vice President-Finance/Comptroller ng DES Financing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong-pinancial sa mga retiradong sundalo ng AFP at kanilang mga benepisyaryo.
Disclaimer: The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, CSBank, and of PILIPINO Mirror. Photo from Pinterest.