Reynaldo C. Lugtu, Jr. l July 19, 2023 l Pilipino Mirror
ISA SA katangian ng mga Pilipino ay ang hilig sa pagplano ng mga iba’t ibang klase ng pagdiriwang.
Ito ay mga okasyon na kasama ang pamilya kung saan lumalabas o nagtitipon-tipon ang mga mag-anak upang ipagdiwang ang isa o maraming mga mahahalagang bagay na nagdudulot ng saya.
Halimbawa ng mga okasyong ito ay kaarawan, graduation, kasal, pagpasa ng board o bar exams at marami pang iba. Natatanging katangian ito ng mga Pilipino kung saan iniimbitahan maging ang mga iba pang kaanak upang samahang ipagdiwang ang okasyon sa pamamigitan ng pagsasalo at pagpipiging.
Ang ganitong katangian, bagama’t uliran at ipinakikita ang pagiging mapagbigay ng Pilipino, ay sadyang magastos din kung hindi paplanuhin nang maigi. Sa panahon ng inflation at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, nararapat lamang na maging wais sa pagpaplano ng mga ganitong gastusin nang sa gayon ay hindi magulat at mapasubo sa bandang huli.
Narito ang ilang mga tipid tips para mairaos ang pagdiriwang ng mga espesyal na okasyon kasama ang pamilya:
1. Sabi nga sa Ingles, “The earlier, the better.” Mas mainam na planuhin ang pagdiriwang nang mas maaga, kung kakayanin. Kung kaya nang magtabi isang taon bago ang okasyon (kagaya na lamang ng unang taong kaarawan ng anak), gawin na ito. Maghanap na ng mga restaurant na abot-kaya, kadalasan ay kung maaga mag-book ay nagkakaroon din ng mga diskwento o promotion para maengganyong ituloy na ang reservation sa kanila.
2. Alamin ang mga punong panauhin. Ang iyong okasyon ba ay puro matatanda ang pupunta, o mga bata o kombinasyon ng dalawa? Ito ba ay pampamilya, o para lamang sa mga dalaga’t binata? Mainam na alamin ang profile ng mga bisita nang sa gayon ay maplano nang maigi ang mga pagkain na ihahanda. Maging wais sa pagpili ng pagkain: kung nagbabalak ka na maghanda ng lechon, hindi na kailangang mag-order ng additional pork dish dahil mayroon nang pork na ihahanda. Bagkus, mainam na siguraduhing sapat ang gulay na ihahanda (kagaya ng salad) nang mabalanse ang handang lechon.
3. Mas mura ang DIY kumpara sa pagkuha ng mga iba’t ibang suppliers. Magastos ang maghanda, at hangga’t maaari, tingnan nang maigi kung saan makakabawas. Ang mga kilalang suppliers ay kadalasang mahal na (halimbawa ay ang pag-arkila ng photographer). Kung mayroon kang kamag-anak na photographer o kakilala na marunong gumamit ng camera, mas mainam na tingnan ang alternatibong ito. Mayroon ding mga upcoming photographers na naghihintay lamang ng oportunidad na makakuha ng mga litrato at maaaring magbigay ng murang halaga upang maidagdag sa kanilang portfolio. Ganito rin ang mga alternatibo pagdating sa party planners, event stylists, at marami pang iba.
4. Sa pagkain sa restaurant, maghanap ng restaurant na hindi mataas ang pag-charge ng corkage fee – o ang halaga ng pagdala ng ibang pagkain sa restaurant. Kadalasan ay may minimum corkage fee na ipinapatong ang restaurant kung ikaw ang magdadala ng lechon o ibang pagkain na wala sa kanilang menu. Maghanap ng restaurant na maaaring pahintulutan ito sa pamamagitan lamang ng pagbayad ng service fee o attendant fee. Malaking diskwento ito imbes na magbayad ng aktwal na corkage fee.
5. Kung sa bahay naman gaganapin ang pagdiriwang at ikaw ay magluluto, ugaliing magprepara nang maaga nang hindi mapagod sa mismong araw ng handaan. Magpondo ng mga party supplies kagaya ng paper cups, paper plates at iba pa kung marami ang iyong mga bisita nang sa gayon ay hindi ka talo sa oras pagdating sa paglinis at pagligpit.
May mga tindahan na nagbibigay diskwento kapag bumili ka in bulk o ng maramihan. Ikumpara rin ang presyo ng mga supplies sa mga online sellers nang makita ang pinakamurang alternatibo para sa iyo.
Sa panghuli, ang pagdiriwang ng mga espesyal na okasyon ay parte na ng kulturang Pilipino na nakagisnan nating lahat. Sa pamamagitan ng mainam na pagpaplano, matitiyak na mairaraos ang mga pagdiriwang na ito na masaya ang lahat at hindi butas ang iyong bulsa. Ugaliing magplano nang maaga hangga’t makakaya.
*** Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kompanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa rey.lugtu@hungryworkhorse.com