Edith D. Dychiao l February 1, 2023 l Pilipino Mirror
MATUNOG ngayon ang kakulangan ng sibuyas sa mga palengke. Nauna diyan ang asukal. Kung natatandaan pa natin, nag-panic-buying tayo dahil nagkakaubusan daw ng asukal noong nakaraang taon. Sumunod naman ang sibuyas na umabot nang mahigit 800 pesos ang isang kilo!!! Ngayon nagtatakutan naman na may shortage ng bawang at itlog.
Ano ba talaga ang dahilan ng “shortage” na ito? May nagsasabi dahil daw hindi tayo nakapag-import kaya nagkulang ng sibuyas. Bakit nga ba ngayon lang ito nangyari? Bakit natin kailangan mag-import ng sibuyas? Bago natin pag-isipan ang dahilan ng pagkawala ng supply ng sibuyas, maaari nating maintindihan kung paano nga ang sistema sa pagbebenta ng mga ani ng ating mga magsasaka.
Sa aking pagkakaalam, dahil sa masamang sistema at kakulangan ng (maayos) transportasyon ng ating bansa, lalo na sa mga probinsya, hindi direct na umaabot sa mga mamimili ang mga ani ng mga magsasaka. Kamakailan lang, mayroon naipalabas sa programa ni Jessica Soho na ipinakikita kung paano anihin, buhatin at tumawid sa napaka-delikadong ilog ang mga magsasaka para lang maibenta ang kanilang mga ani. Kadalasan ang mga ani ay binibili ng mga wholesale farm traders. Mayroon silang farmgate prices. Ibig sabihin ng farmgate ay ‘yung presyo na makukuha nitong mga traders sa magsasaka. Ang mga trader naman ay ibinebenta ito sa mga wholesaler sa Maynila o sa mga lugar na sila ang supplier. Ang mga wholesaler naman ang nagbebenta sa mga palengke.
Noong nakaraang Linggo, nabalitaan natin na halos 300 Pesos na lang daw ang isang kilo ng sibuyas at ang farmgate price ay 150 Pesos. Mayroon tayong source na nagsasabi ang farmgate price ay 70 Pesos lamang. ‘Yan ang hinaing ng ating mga magsasaka na ang bentahan nila ay napakababang presyo. Ngayong linggo naman, sobra ang ani ng broccoli at kamatis sa Baguio at Nueva Ecija. Hindi ito mabenta sa mga mamimili. Ayon sa balita, ang broccoli ay nagkakahalaga ng 70 Pesos ang isang kilo at ang mga kamatis ay 20 Pesos kada kilo. Kung ganoon ang presyo ng broccoli at kamatis, bakit hindi maidala sa atin ito at iniiwan na lang sa kalye? Napaka-komplikado ba talaga ng ating agriculture market?
Napakayaman ng ating mga lupain subalit bakit tayo nagkukulang sa mga gulay? Ano ang iba’t ibang paraan upang maayos ang mga suliranin ng ating magsasaka? Gumawa ang pamahalaan ng mga Kadiwa Center upang makapagbigay ng mas mabuting presyo sa mga ani ng magsasaka at makapag benta ng mas murang mga gulay. Isa ito sa mga solusyon ng pamahalaan, tulad ng mga hangarin ng mga grupo na nagsipaggawa ng paraan para maiwasan na ang mga middle man gamit ng teknolohiya. Tumutulong din ang farm cooperatives. Ang malalaking malls sa Metro Manila ay mayroon ding weekend market para makapagtinda ang mga galing sa probinsya.
Magaganda ang mga layunin nito ngunit hindi pa rin ito sapat para mapa-unlad ang buhay ng mga magsasaka at ma-i-ayos ng pamahalaan ang ating pangagailangan sa pagkain – ang food security ng bansa. Makatutulong din kung lahat tayo ay magtanim, ang mga lupaing taniman o agricultural land ay dapat bawalan na maibenta at gawing mga subdivision o gusali, pagtibayan ang mga cooperative at ituloy pa rin ang pagbigay ng suporta sa ating mga magsasaka. Laging tangkilikin ang ating sariling agri products. Ang laging bilin, kumain ng tama, kumain ng gulay at tumulong sa ating mga magsasaka.
Ang may-akda ay Board Member ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX).
Tumatanggap ng mga comments: edithdeedychiao@yahoo.com