May 14, 2025 l Pilipino Mirror
Inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation (RR) No. 14-2025 noong nakaraang Abril 25 upang amyendahan ang dati nitong RR 3-2025 tungkol sa pagpataw ng 12% value-added tax (VAT) sa mga digital services provider (DSP) na nakabase sa ibang bansa ngunit nag-aalok ng serbisyong online dito sa Pinas.
Ito’y resulta ng pagpasa ng Kongreso noong Oktubre 2024 ng Republic Act (RA) No. 12023 na tinawag bilang “VAT on Digital Services Law of the Philippines.” Tinutukoy naman na IRR o implementing rules and regulations ng RA 12023 ang RR 3-2025 na inilabas ng BIR noong Enero 17 ng kasalukuyang taon.
Ayon sa RA 12023, tinuturing na digital services ang mga sumusunod: online search engine; online marketplace o e-marketplace; cloud service; online media at advertising; online platform; at digital goods. Ito’y mga serbisyo na gumagamit ng information technology at dumadaan sa electronic network bilang automated na supply, pati ang mga digital goods na dinedeliver sa pamamagitan ng internet.
Ang katagang DSP nangahulugan na mga supplier ng digital services para sa mga Pilipino. Merong tinatawag na resident DSP na nakabase sa Pinas, yung mga nakabase sa ibang bansa ang mga non-resident DSP. Pareho silang may obligasyon na mag-remit sa BIR ng 12% VAT sa kanilang gross sales kapag ang serbisyo nila dito sa bansa kinokonsumo ng mga non-VAT registered na Pinoy.
Kabilang sa mga nonresident DSP ang mga subscription-based streaming platform tulad ng Netflix at Spotify; mga online marketplace na halimbawa ang Shopee at Lazada; cloud services tulad ng Google Drive; at digital advertising sa Facebook. Basta lahat ng may bayad na serbisyo at dumadaan sa internet ay sakop ng batas na ito.
Binigyan ang mga non-resident DSP hanggang Hunyo 1, 2025 para magparehistro sa BIR portal. Kinabukasan kailangan na nilang kumolekta ng VAT and magbayad agad sa BIR ng kanilang mga VAT collection. Kailangan din ipakita sa mga resibo ang ipinataw na VAT nitong mga DSP. Pinapaalala sila ng gobyerno na dapat sundin ang mga deadline sa filing at payment ng VAT upang makaiwas sa mga penalty paglabag ng RA 12023.
Naka-exempt sa buwis na ito ang mga educational services tulad ng online courses, seminars, training, at subscription-based services na ibinibigay ng mga rehistradong institusyon at accredited ng DepEd, CHED, o TESDA at iba pang sangay ng gobyerno. Exempted din ang mga serbisyong digital dulot ng mga bangko at financial intermediaries.
Nagtataka ang karamihan ng mga netizen kung papano ito maipatutupad ng BIR sa mga ‘di masyadong sikat na online sellers. Isang halimbawa ang Vatican Gift Store na nakabase sa Roma. Umpisa nang mamatay si Pope Francis noong Abril 21, maraming Pinoy ang umoorder ng mga souvenir items ng Santo Papa tulad ng mga crucifix at rosary sa online store ng Vatican. At lalong dadami pa ‘yan ngayon na merong nahalal na bagong Santo Papa noong Mayo 8, si Pope Leo XIV. Papatawan din ba ng 12% VAT ang binibili sa vaticangift.com?
Panahon lang ang makapagsasabi kung ang bagong batas na ito ay maayos na maipatutupad at kung paano maaapektuhan ang pag-uugali ng mga ordinaryong Pilipino sa online na paggastos ng digital services tax.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.