February 18, 2026 l Pilipino Mirror

Sa mahabang kasaysayan ng Pilipinas, hindi na natatapos ang debate kung ano ang nauna: ang korupsyon ba na nagluwal sa mga makapangyarihang pamilya, o ang mga pamilyang ito mismo ang nagpunla ng katiwalian? Ngunit kung susuriin nang maigi ang ating kasalukuyang kalagayan, tila mas malinaw ang katotohanan—mga political dynasty ang nagsisilbing “manok” na sadyang nangingitlog ng korupsyon upang matiyak ang sarili nitong kaligtasan at pagpapatuloy.
Bilang salot ng ating sistema, ang mga dinastiya ang pangunahing arkitekto ng isang baluktot na ecosystem. Hindi sila aksidente lamang ng kasaysayan; sila ay mga aktibong aktor na bumubuo ng mga pader upang protektahan ang kanilang interes. Sa ilalim ng kanilang limlim, ang kaban ng bayan ay hindi na nagsisilbi sa publiko kundi nagiging personal na pondo para sa susunod na kampanya.
Kapag ang alkalde, gobernador, at kongresista ay nagmumula sa iisang hapag-kainan, nawawala ang checks and balances. At mas malala pa kung ang mismong pangulo, pangalawang pangulo, at mga senador nanggagaling sa angkan ng mga politiko. Sa halip na magsilbi bilang tagabantay sa kaban ng bayan, sila ay nagiging mga tuta ng iisang pamilya at bantay salakay sa buwis ng mga mamamayan. Ang ganitong sistema ay lumilikha ng sadyang pagkapako ng masa sa kahirapan.
Ayon sa lohika ng mga dinastiya, ang isang malaya at mayamang mamamayan ay banta sa kanilang kapangyarihan. Kaya naman, pinananatili nilang dumedepende ang tao sa kanilang personal na tulong—mula sa pambili ng gamot hanggang sa pabuya sa patay—na sa katunayan ay galing din naman sa buwis ng mamamayan. Ito ang tinatawag na patronage politics: ginagawa nilang utang na loob ng tao ang mga serbisyong dapat ay karapatan.
Kamakailan, naging sentro ng usapin ang House Bill No. 6771 na isinusulong ni Speaker Bojie Dy at Rep. Sandro Marcos. Bagama’t nakabalot ito sa titulong “anti-political dynasty,” mabilis itong binatikos ng business community.
Naglabas ng matapang na pahayag ang FINEX at tatlumpu pang business organizations na nagkaisa upang tuligsain ang nasabing panukala. Para sa mga lider ng negosyo, ang HB 6771 ay isang malabnaw na bersyong nagpapanggap lang na reporma ngunit sa totoo ay isang pro-dynasty bill.
Ang kanilang pagtutol ay hindi lamang usaping moral, kundi isang ekonomikong babala. Ayon sa koalisyon na pinangungunahan ng FINEX, ang mga dinastiya ay nagiging gatekeepers ng lokal na ekonomiya. Dahil sa kanilang kontrol sa mga permit at kontrata, ang mga tapat na negosyante ay nahaharap sa pay-to-play na sistema.
Nawawala ang level playing field dahil ang mga pabor ay napupunta lamang sa mga political crony o mga kumpanyang pagmamay-ari mismo ng pamilya. Ang resulta? Mabagal na pagpasok ng dayuhang puhunan, kawalan ng innovation, at nananatiling bansot na lokal na merkado.
Binigyang-diin ng mga negosyante ang tunay na anti-dynasty law na dapat may pangil: kailangan nitong saklawin hanggang sa ika-apat na antas ng pagkakamag-anak at tuluyang ipagbawal ang sabay-sabay na pag-upo o pagpapalitan lamang ng pwesto ng iisang pamilya.
Ang kasalukuyang HB 6771 sa Kongreso ay tila isang safe na hakbang para sa mga mambabatas na ayaw talagang bitawan ang kanilang trono. Mga dinastiya ang salot ng ating ekonomiya dahil pinapatay nito ang malayang kumpetisyon. Sa halip na husay at merito, koneksyon at apelyido ang nagdidikta sa negosyo.
Sinasakal ng mga political dynasty ang inobasyon, itinataboy ang foreign investors, at kinukulong ang yaman ng bansa sa iilang pamilya, habang ang karaniwang Pilipino ay palaging lugmok sa hirap.
Hangga’t ang apelyido ay mas matimbang kaysa sa kakayahan, mananatiling lumpo ang ating ekonomiya sa ilalim ng gahaman at makasariling paghahari.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.