January 21, 2026 l Pilipino Mirror

Para sa marami, ang bangko ay malamig na institusyon – mayroong teller, pila, bayarin, at patakaran. Ngunit sa likod ng pormalidad na iyon, sinusukat ng publiko kung ang bangko ba ay tunay na kasama sa pang-araw-araw na buhay. Naglilingkod ba ito nang may malasakit, pag-unawa, at silbi sa mamamayan?
Hindi sapat ang mag-alok lamang ng produkto. Sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at kakulangan sa trabaho, hinuhusgahan ang bangko hindi sa tubo kundi sa pakikitungo kung paano ito lumalapit sa tao at nagiging bahagi ng lipunan.
Ito ang mas malalim na mensahe ng ika-6 na Bank Marketing Awards na inorganisa ng Bank Marketing Association of the Philippines (BMAP) katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas at Financial Sector Forum. Sa unang tingin, parangal ito sa “marketing.” Ngunit sa masusing pagbasa, sinusukat dito kung paano lumalapit ang mga bangko sa tao – kung naiintindihan nila ang pangangailangan ng lipunan.
Pitong kategorya ng mga gantimpala mula sa BMAP ang binigyang-pansin ng 6th Bank Marketing Awards. Dito lumitaw ang isang malinaw na tema: ang bangkong may saysay sa lipunan ay ‘yung marunong makinig at tumugon sa tao.
Halimbawa ang mga programang nakatuon sa agrikultura at maliliit na kabuhayan. Sa isang bansang ang magsasaka at mangingisda ay patuloy na nasa laylayan, ang pagbuo ng produktong akma sa kanilang kalagayan ay hindi lamang diskarte sa negosyo. Isa itong pahayag ng paninindigan – na ang kaunlaran ay hindi dapat iilang sektor lamang ang nakikinabang.
Sa larangan naman ng teknolohiya, digital banking ang uso. Halos lahat ay nasa cellphone na, ngunit ang mahalaga: napapadali ba nito ang buhay ng tao? Ang ulirang pakikitungo ay hindi nasusukat sa dami ng downloads ng app kundi sa kung naaabot nito ang tindera sa palengke, ang drayber ng tricycle, at ang pamilyang unang beses humawak ng pormal na serbisyo sa bangko.
May mga bangko ring bumababa sa komunidad – sa barangay at pamilihan – upang tunay na maramdaman ang presensiya nila. Hindi lamang target market ang tinitingnan, kundi buhay ng tao. Ang ganitong pakikitungo ay tahimik ngunit may epekto.
Mahalaga rin ang sustainability. Sa panahon ng climate crisis, hindi sapat ang kulay berdeng patalastas. Ang bangkong may konsensiya ay may malinaw na ambag sa kalikasan, edukasyon, at komunidad. Ang ganitong hakbang ay patunay na posible ang negosyo na may puso.
Noong 2025 Bank Marketing Awards ng BMAP, lumutang ang mga programang nagpakita ng konkretong halimbawa ng ulirang pakikitungo:
- Best Product Program: “Agrisenso Plus” – Land Bank of the Philippines
- Best Brand Program: “Do More with BPI” – Bank of the Philippine Islands
- Best Electronic Channel Program: “Pulz” – Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC)
- Best Financial Inclusion Program: “DiskarTech” – RCBC
- Best Customer-Centric Product or Service: “Barangayan Banking” – RCBC ATM Go
- Best Sustainability Drive: “Sustainability Matters” – RCBC
- Best Program in Digital Marketing: “My CBC” – China Banking Corp.
Ang bawat programang nanalo ay nagpakita ng iba’t ibang paraan kung paano lumalapit ang bangko sa tao mula sa digital accessibility at financial inclusion hanggang sa sustainability at personal na serbisyo sa komunidad. Ang mga ito ay hindi lamang marketing campaigns; malinaw ang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan.
Sinasalamin ng mga parangal na ito ang ugnayan ng bangko at lipunan. Pinakamabisang paraan para maitaguyod ang tiwala ay hindi sa matatamis na salita kundi sa maayos at makataong pakikitungo. Ang bangkong uliran ay hindi yung may pinakamalakas na patalastas kundi tapat na kasama ng mamamayan sa araw-araw na pakikibaka. Sapagkat sa lipunang Pilipino, ang tunay na sukatan ng tagumpay ay kung paano ka nakitungo sa kapwa – lalong-lalo na sa panahong sila’y higit na nangangailangan.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.