Tiwala at Pagkakataon

January 14, 2026 l Pilipino Mirror

Lahat ng tao ay may kanya-kanyang talino, galing at kakayahan. Nasa paghuhubog at pagsasanay ng mga ­biyayang ito nakasalalay ang pag-unlad o pagkabigo ng isang indibidwal. Nasa atin ang desisyon kung huhubugin natin ang mga talentong ipinagkaloob sa atin ng Maykapal o kung ang mga ito ay sasayangin lamang. Sa katotohanang ito, ­dalawang bagay ang maaaring maging sanhi ng ­pagkakaiba-iba ng mga tadhana at kuwento ng bawat isa – tiwala at pagkakataon.

Noong ang pag-aaral at pagpapatuloy sa kolehiyo ay itinuturing na isang pribilehiyo sa halip na karapatan sa bawat nagnanais makapag-aral, nasa sitwasyon kami na ang makatungtong sa kolehiyo ay walang katiyakan. Ang plano ko noon ay makapasok sa Philippine Military Academy dahil sa bukod sa libre ang pag-aaral ay may allowance pang matatanggap. Ngunit sa kadahilanang tadhana lamang ang makasasagot ay hindi ako pinalad na makapasa sa kanilang entrance exam.

Sa panahon ng kawalan ng pag-asa ay isang pinto ang nagbukas para sa akin at sa aking pamilya. Nakapasa ako sa scholarship program ng Minalin Development Foundation, Inc. o MDFI. Makakapag-kolehiyo na ako!

Binuo noong 1975 ng isang grupo ng mga propesyonal, negosyante, lingkod-bayan at iba pang personalidad na may iisang adhikain, ang MDFI ay naglalayon na makatulong sa mga nais makapag-aral sa kolehiyo sa mga kabataan ng Minalin, Pampanga na may kakayahan ngunit salat sa pinansiyal na aspeto. Naniniwala ang mga indibidwal sa likod ng MDFI na ang edukasyon ang susi sa pagputol sa gulong ng kahirapan sa aming bayan at tungo sa pag-unlad ng mga bawat scholar na makakapag-tapos at ng kanilang pamilya.

Patunay rito ang humigit 350 nitong scholar graduates na binubuo ng mga engineers, entrepreneurs, architects, professional teachers, nurses, certified public accountants-kabilang na ako, at iba pang mga propesyonal. Dagdag pa rito ang halos isang libong technical at vocational graduates. Ngayon ngang ipinagdiriwang ng MDFI ang kanyang ika-limampung anibersaryo, nataong pinarangalan ng probinsya bilang isa sa mga Most Outstanding Kapampangan Awardees (MOKA) and MDFI nito lamang Disyembre bilang pagkilala sa kontribusyon nito sa komunidad. Isang nararapat na parangal at pagkilala sa organisasyong tahimik ngunit walang sawang tumutulong sa kabataan ng Minalin ng walang hinihinging kapalit o kabayaran.

Hindi masusukat sa pinansiyal na bagay ang naitulong sa akin ng MDFI dahil higit sa pambayad ng tuition, ang ibinigay nila sa akin at kapwa ko mga scholars ay tiwala at pagkakataon. Binigyan nila kami ng pagkakataon na ipagpatuloy ang aming pag-aaral sa kolehiyo at pinagka-tiwalaan na hindi namin sasayangin ang pagkakataong ito. Ang suportang kanilang ipinagkaloob ay nagsilbing lakas at inspirasyon upang patunayan na ang tiwalang ibinigay sa isang kabataan ay maaaring maging simula ng mas makabuluhang kinabukasan.

Sa bawat hamon at pagsubok na aming hinarap bilang mga estudyante, naging paalala ang tiwalang iyon na may mga taong naniniwala sa aming kakayahan kahit kami mismo ay nagdududa minsan. Higit sa pagtatapos ng aming pag-aaral, ang ipinunla ng MDFI sa amin ay ang paniniwalang ang tulong na ibinibigay nang taos-puso ay may kakayahang magbunga ng mas malawak na kabutihan. Maraming salamat at mabuhay ang MDFI!

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

FINEX Sustainability Handbook

March 06, 2026 l BusinessWorld In a time when climate risks are no longer distant threats but daily realities, the FINEX Foundation Environment Committee chaired

Pera gamit ang AI

March 04, 2026 l Pilipino Mirror Marami ang nagtatanong sa akin kung paano ba talaga kumita gamit ang AI. Hindi lang ito tungkol sa paggamit

The Woes of a Rice-Eating Nation

March 04, 2026 l Business Mirror Eighty percent or 110 million Filipinos eat three cups of rice a day, making it the major staple. A

FINEX sustainability handbook is out

March 03, 2026 l Manila Bulletin The FINEX Environment Committee Handbook has finally been completed, with both printed copies and a digital version now available.

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189