Pamaskong handog ng korte suprema

December 17, 2025 l Pilipino Mirror

Sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin sa ­Pilipinas, dumating ang desisyon ng Korte Suprema na parang malamig na hangin noong Disyembre 5.

Ang unanimous na pagbasura ng 15 Supreme Court Justices sa paglipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth patungo sa National Treasury noong 2024 ay hindi lamang usaping legal; ito’y usaping moral din.

Hindi sobrang pondo ang kontribusyon ng taumbayan sa PhilHealth. Ito’y inipon laban sa sakit, sakuna, at kahirapan. Sa sandaling tawagin itong excess na pondo, binubura ang tunay na layunin ng social protection. Masakit na isipin na sa bansang kulang ang ospital at gamot, may nag-isip pang kunin ang pondong para sana sa kalusugan.

Kongreso ang nag-utos sa Department of Finance (DOF) na ilipat ang P60 bilyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA) na pinasa ng dalawang kamara at nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos. Si dating DOF Secretary Ralph Recto ang naglabas ng Circular 003-2024 para sundin ang mandato ng batas.

Nagdesisyon ang Korte ­Suprema na unconstitutional ang special provision ng 2024 GAA tungkol dito sa paglipat ng PhilHealth funds. Nguni’t ayon sa apat na mahistrado, walang kriminal na pananagutan si Recto kahit ibinasura ng pinakamataas na korte ang mismong patakarang kanyang ipinatupad.

Isinulat ni Associate Justice Raul Villanueva sa kanyang concurring opinion na ang pagpataw ng pananagutan kay Recto ay parang pagpaparusa sa isang opisyal dahil lamang sa pagtupad ng kanyang tungkulin. Hindi sinabi ni Villanueva na tama ang naging polisiya, kundi ‘di makatarungan na gawing kriminal ang pagsunod sa isang umiiral na batas.

Lumalabas na “acting in good faith” si Recto sa pag-implement ng special provision nitong 2024 GAA pagkatapos niyang makuha ang clearance mula sa limang ahensiya ng gobyerno: Office of the Solicitor General (OSG), Office of the Government Corporate Counsel, Governance Commission for GOCCs, Commission on Audit, at sa mismong Board of Directors ng PhilHealth.

Kasalukuyang nire-review ng OSG ang desisyon ng Korte Sup­rema upang tukuyin ang susunod na hakbang ng pamahalaan, habang tinatanggap naman ng PhilHealth officials ang desisyon bilang hakbang tungo sa pagsigurong magagamit ang pondo para sa nakalaang layunin.

Kung sa aspeto naman ng moralidad, hinikayat ni Cardinal Pablo Virgilio David si Pangulong Marcos at ang Kongreso na huwag gamitin ang budget ng 2026 para ibalik ang P60 bilyon sa PhilHealth. Sa halip nito, ang pondo ay dapat mabawi mula sa mga opisyal ng gobyerno at pribadong kontratista na nakinabang mula sa maling paggamit ng pera.

Tinawag ito ni Cardinal David na “moral double jeopardy” kung ang mga nagbabayad ng buwis ang magiging biktima ng pondo na ninakaw na. Iminungkahi ng Manila Archbishop na dapat igiit ng Korte Suprema na ang pagbayad ay direkta mula sa mga nabawing ari-arian ng mga may pananagutan kasabay ang kasong kriminal.

Sinang-ayunan ng Social Watch Philippines (SWP) ang pahayag ni David at nagbabala na anumang paggamit ng pondo ng mamamayan para punan ang nawawalang P60 bilyon ay hindi itinuturing na tamang restitution. Hinikayat din ng SWP ang mga mambabatas na iwasang isama sa 2026 budget ang mga espesyal na probisyon na katulad ng nagbigay daan sa diversion ng pondo noong 2024.

Ang magkatuwang na mensahe ng hukuman at ng simbahan ay malinaw: ang pera ng kalusugan ay sagrado at hindi puwedeng gamitin bilang reserbang pondo ng gobyerno. Ang tunay na hustisya ay ang agad-agad na pagbalik ng pondo – hindi simpleng pag-rebudget. Sa ganitong paraan, matitiyak ang proteksyon ng mamamayan laban sa pang-aabuso at panandaliang solusyon para takpan ang problema sa kita ng estado.

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

FINEX Sustainability Handbook

March 06, 2026 l BusinessWorld In a time when climate risks are no longer distant threats but daily realities, the FINEX Foundation Environment Committee chaired

Pera gamit ang AI

March 04, 2026 l Pilipino Mirror Marami ang nagtatanong sa akin kung paano ba talaga kumita gamit ang AI. Hindi lang ito tungkol sa paggamit

The Woes of a Rice-Eating Nation

March 04, 2026 l Business Mirror Eighty percent or 110 million Filipinos eat three cups of rice a day, making it the major staple. A

FINEX sustainability handbook is out

March 03, 2026 l Manila Bulletin The FINEX Environment Committee Handbook has finally been completed, with both printed copies and a digital version now available.

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189