December 10, 2025 l Pilipino Mirror

Umuugong ang galit ng taumbayan sa pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na kaya raw ang noche buena sa halagang P500. Malinaw ang agwat sa pagitan ng optimismo ng pamahalaan at ng realidad ng sambayanan.
Habang iginiit ng DTI na abot-kaya pa rin ang isang simpleng handaan, ramdam ng mga Pilipinong mamimili ang pagiging hindi makatotohanan nito. Sa panahong numinipis ang purchasing power ng karaniwang mamamayan at humihina ang paglago ng ekonomiya, tumama sa maselang ugat ang naturang pahayag ng gobyerno tungkol sa matipid na noche buena.
Hindi kayang ipataw ng press briefing ang diwa ng Pasko. Dignidad pa rin ang sukatan ng publiko. Lalong tumitindi ang pangamba ng karamihan dahil sa malungkot na nangyari dulot ng flood control scandal. Binabaan ng Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev ang growth forecast para sa buong 2025. Pati ang Organization for Economic Cooperation and Development o OECD na binubuo ng 38 bansa ay nagbaba rin ng kanilang hula tungkol sa ating economic growth sa kasalukuyang taon.
Hirap na hirap na ang mga mamamayan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at lumolobong utang ng bansa na umakyat sa P17.5 trilyon. Mas mabigat ang pasanin ng lumalaking total national debt ng Pilipinas, at nararamdaman ito ng mga sambahayan sa buwis, presyo, at trabaho. Para naman sa mga namumuhunan, senyales ito ng posibleng istruktural na panghihina.
Dagdag pa rito ang rekomendasyon kamakailan ng isang US congressional commission na ipapasa sa Taiwan ang pagpondo ng infrastructure upgrade sa mga lugar na sakop ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Luzon at Palawan. Lumalabas na ang pangunahing pakay ng mga EDCA sites ay para sa pagdepensa ng Taiwan.
Noong bumisita si United States War Secretary Pete Hegseth sa Maynila, sinabi niya na handang tulungan ng Pentagon ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Magsu-supply daw ang America ng mga advanced weapons sa AFP, tulad ng F-16 fighter jets. Ngunit sa kalaunan, nalaman na ito pala ay sa pamamagitan ng loans at sinagot siya ni Philippine Ambassador to Washington Babe Romualdez na hindi kaya ng Pilipinas ang ganyang pautang.
Kung ang mga armas na balak ibenta ng Estados Unidos sa Pilipinas ay para sa pagdepensa ng Taiwan, bakit tayo ang sasagot sa pagbayad nito? Madadagdagan lang nito ang malaking foreign debt natin, at malalagay lang sa panganib ang ating bansa sa pagitan ng hidwaang US-China.
Walang silbi ang mga high-tech weaponry sa ating seguridad kapag nagkaroon ng pandaigdig na giyera. At sa bigat ng mga problemang kinasasangkutan ng ating bansa, mas mabuti pa na tayo ang mamamahala sa ating sariling gawain bago tayo makisawsaw sa laro ng mga dayuhan na magdudulot lang ng paghihinagpis sa sambayanang Pilipino.
Ang mga scenario tulad nito ay nakababahala at nagdudulot ng pagkadismaya sa halip na tayo’y magiging masaya sa Kapaskuhan. Sa ganitong kapaligiran, ang halagang P500 na noche buena ay nagiging simbolo ng mas malalim na pangamba tungkol sa direksiyon ng ating ekonomiya.
Dahil humaharap ang Pilipinas sa malalaking suliranin kabilang ang inflation at corruption, tinitingnan ng ilan ang pahayag ng DTI bilang paraan upang ilihis ang atensiyon mula sa tunay na problema at ilipat ang pagsisi sa mga mamimiling Pilipino.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.