October 8, 2025 l Pilipino Mirror

Mabilis ang pagpasok ng artificial intelligence (AI) sa ating ekonomiya – mula sa chatbot ng bangko hanggang sa mga data-driven na desisyon sa logistics. Pinabibilis ng AI ang operasyon ng maraming kompanya, habang binabawasan ang mga gastos at pinahuhusay ang serbisyo sa mamimili.
Ayon sa mga eksperto, maaaring mag-ambag ang AI ng mahigit P4 trilyon sa gross domestic product o GDP ng ating bansa sa susunod na dekada. Isa sa mga agarang benepisyo nito ay ang pag- automate ng paulit-ulit na gawain sa iba’t ibang industriya. Sa halip na palitan ang tao, nakatutulong ito upang mailipat ang mga empleyado sa mas mataas na antas ng trabaho na nangangailangan ng katalinuhan.
Kaya huwag dapat matakot ang mga Pilipino sa pag-angat ng AI. Lumilitaw rin ang mga bagong propesyon tulad ng mga AI trainer, data annotator, at prompt engineer na nagpapatunay na may puwang pa rin ang talento ng Pinoy sa makabagong ekonomiya.
Mas malawak ang magiging papel ng AI sa pambansang pag-unlad at mas magara ang kinabukasan ng mga kasalukuyang henerasyon. Ito’y magagamit sa kalusugan upang masuri nang maaga ang mga sakit; sa agrikultura para mahulaan ang ani; at pati sa pamahalaan upang pabilisin ang serbisyo publiko.
Gayunpaman, kailangang tiyakin ng gobyerno na ang paggamit ng AI ay may kasamang etikal na patakaran, malinaw na seguridad sa datos, at sapat na edukasyon sa mga manggagawa. Sa ganitong paraan, hindi lamang teknolohiya ang AI – magiging bagong makina ito ng inklusibong paglago ng Pinas.
Sa karatig-bansa natin na hilagang isla ng Taiwan, nangunguna ang isang kompanya sa larangan ng AI. Ito ang Synology Inc. na kinikilala bilang global leader sa network-attached storage at data management solutions. Sumali ang Synology sa AIBP Philippines Summit 2025 noong Setyembre 23-24 sa City of Dreams Manila bilang gold sponsor. Pinangunahan ito ni Claire Huang, ang Country Manager ng Synology para sa Pilipinas.
Binigyan-diin ni Huang na ang pagtaas ng paggamit ng generative AI ay nangangailangan ng mas maaasahang data infrastructure. Tinalakay niya kung paano ginagamit ng mga kumpanya ang AI-driven storage at backup systems para mapahusay ang seguridad at pagiging episyente ng kanilang datos.
Nag-aalok ang Synology ng mga solusyon tulad ng DiskStation Manager, ActiveProtect Appliance, at Surveillance Station upang magkaroon ng matibay na proteksyon laban sa data breaches at system downtime – dalawa sa pinakamalaking hamon sa mga organisasyong lumilipat sa digital economy.
Bilang bahagi ng AIBP Summit na inorganisa ng Singapore-based ASEAN Innovation Business Platform, nakipag-ugnayan ang Synology sa mga lokal na negosyo at mga institusyon para palawakin ang AI adoption sa iba’t ibang sektor sa ating lipunan. Nais nito maging katuwang ng Pilipinas sa pagtayo ng data-smart nation kung saan ligtas, mabilis, at matalino ang paggamit ng impormasyon.
Ngayong linggo, ipinagdiriwang ng Financial Executives Institute of the Philippines ang FINEX Week 2025. Nag-umpisa ito noong Oktubre 6 sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa mga paksang kaugnay sa pananalapi. Pinaka-highlight nito ang FINEX Annual Conference sa Oktubre 10 na gaganapin sa Shangri-La The Fort, Bonifacio Global City na may temang “Driving Transformative Leadership and Innovation.”
Kabilang sa mga tagapagsalita ang mga kinatawan ng Bangko Sentral, mga kilalang ekonomista, at business leaders na magbabahagi ng kanilang pananaw hinggil sa inclusive growth, digitalization, sustainability, upskilling, at pag-angkop ng mga negosyo sa panahon ng mabilis na pagbabago.
Tampok sa kumperensiya ang mga panel discussion na mag-uugnay sa sektor ng gobyerno at pribadong negosyo upang isulong ang inobasyon at pagbangon ng ekonomiya. Merong talakayan tungkol sa emerging technologies tulad ng AI na magpapahusay ng risk management at magbubukas ng bagong oportunidad para sa mga Pilipino.
Layunin ng FINEX bilang pangunahing samahan ng mga propesyonal sa larangan ng finance na patuloy na palakasin ang pamumuno sa industriya at ihanda ang bansa para sa kinabukasan ng digital na ekonomiya.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.