Bigo mga abangers na ‘di naisama ang E-gambling sa SONA

August 6, 2025 l Pilipino Mirror

Ang announcement na inaabangan ng ­karamihan noong ika-apat na State of the Nation ­Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay tungkol sa ­industriya ng online gaming. Ito kasi ang isa sa pinakamainit na isyu nitong mga nakaraang buwan dahil sa epekto ng ­electronic na pagsusugal sa mamamayang Pilipino.

Sa SONA 2024 ni Marcos, ang pinakamatinding palakpakan na naganap ay nang inanunsiyo niya ang pagbabawal sa mga POGO o Philippine Offshore Gaming Operator sa buong bansa. Ngunit pagkatapos palayasin ang mga POGO, lumakas naman ang mga kumpanya na kung tawagin ay PIGO o Philippine ­Inland Gaming Operator na mayroong lisensiya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Inumpisahan ng Pagcor ang pagbibigay ng lisensiya sa mga PIGO mula noong 2020. Kasama sa mga serbisyo nito ang electro­nic bingo games at sports betting. Pinayagan ang mga ito na mag-alok ng onlne gaming services sa mga rehistradong manlalaro na kabilang sa domestic market at nag-eedad ng 21 pataas.

Malaki ang perang kinikita ng gobyerno sa gaming industry. Ayon sa Pagcor, ang kabuuan ng industriya nitong Enero hanggang Hunyo 2025 ay nagkamit ng P214.75 billion na gross gaming revenues (GGR). Mahigit sa kalahati nito ay nanggaling sa mga online gaming at digital betting sites. Sa totoo lang, tinalo pa nila ang GGR ng mga land-based casino.

Ilang senador ang nagmungkahing magpasa ng batas upang itaguyod ang pangkalahatan at lubusang pagbawal ng online gambling. Nababahala sila sa dumadaming naaadik sa pagsusugal dahil napa­kadaling magtaya sa pamamagitan ng mga e-wallet.

Naniniwala sila na masama ang epekto nito sa mga mamamayang nalulong sa sugal at sa kanilang mga pamilya, lalo na sa mga menor de edad.

Pati ang Simbahang Katolika ay nagsalita na tungkol dito sa pamumuno ni Kalookan Bishop Pablo David, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Sinisisi ng CBCP ang Pagcor sa paglaganap ng bisyo dulot ng online gambling tulad ng pagkawatak-watak ng mga pamilya at pagkasira ng kanilang pinansiyal na kalagayan.

Depensa naman ng Pagcor, malaki ang mawawalang pondo sa gobyerno kapag nagkaroon ng total ban sa e-gambling. Nasasayangan sila sa pagkakataon na makatulong sa pamamagitan ng social programs para sa mga mahihirap galing sa kinikita ng pamahalaan mula sa katas ng online gaming.

May mga mambabatas na inirekomenda ang paghigpit ng mga regulasyon upang makontrol ang pagsali sa online gambling ng mga kabataan at mga di sapat ang pera. Baka raw lalong lumala ang pagsusugal kung ipagbawal ang mga legit na PIGO, kasi lilipat lang ang mga tumatayang Pilipino sa mga ilegal na libangan tulad ng e-sabong. Ang katuwiran nila, ilang siglo nang mahilig ang sambayanan sa games of chance bago pa dumating ang mga dayuhan sa Pilipinas.

Dahil sa magkatunggaling opinyon ng ilang sektor, inasahan ng mga netizen na babanggitin ang isyu ng online gambling sa SONA 2025. Ngunit ang naganap ay tinatawag na “loudest silence” sa parte ni Marcos noong Hulyo 28 sa Batasang Pambansa.

Pagkalipas ng ilang araw, nagpahayag ang Malakanyang na maiging pinag-aaralan pa nila ang impact ng online gambling sa lipunan. “Hindi puwedeng magpadalos-dalos ang Pangulo tungkol dito,” ika nga ni Undersecretary Claire Castro ng Presidential Communications Office.

Ano kaya ang magiging desisyon ng kasalukuyang administrasyon sa masalimuot na problemang ito? Abangan!

***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email nextgenmedia@gmail.com. Photo is from Pinterest.

Recent Posts

FINEX Sustainability Handbook

March 06, 2026 l BusinessWorld In a time when climate risks are no longer distant threats but daily realities, the FINEX Foundation Environment Committee chaired

Pera gamit ang AI

March 04, 2026 l Pilipino Mirror Marami ang nagtatanong sa akin kung paano ba talaga kumita gamit ang AI. Hindi lang ito tungkol sa paggamit

The Woes of a Rice-Eating Nation

March 04, 2026 l Business Mirror Eighty percent or 110 million Filipinos eat three cups of rice a day, making it the major staple. A

FINEX sustainability handbook is out

March 03, 2026 l Manila Bulletin The FINEX Environment Committee Handbook has finally been completed, with both printed copies and a digital version now available.

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189