June 11, 2025 l Pilipino Mirror

Nasa kultura na nga siguro ng mga Pinoy ang pagsusugal. Mula sa sabong sa mga baryo, mahjong at bingo sa looban, color at ball game sa mga peryahan, jueteng at iba pa ay napakarami ngang pagpipilian ng mga Pinoy na pampalipas oras at libangan. Sa katunayan, lumaki ako sa komunidad na bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ang mga laro ng kapalaran tulad ng mga nabanggit.
Tandang-tanda ko noong ako ay bata, tuwing matapos mananghalian ay magpapatawag na aking lola ng kanyang makakalaro. Cuajo naman ang araw-araw na nilalaro nina lola noon at nakakatuwang para bang may kasunduan sila na basta magdadapit-hapon na ay titigil na sila sa kanilang paglalaro. Sa madaling salita, libangan at pampalipas oras lamang para sa kanila ang ganitong gawain.
Sa kabilang banda, matagal nang usapin ang masamang epekto nito. Nariyan ang pagkaubos ng pera, pagkawasak ng pamilya dahil sa pagkalulong sa sugal, at mga panlilinlang. May mga nalulubog sa utang, at napilitang gumawa ng ilegal na gawain para lang makapagsugal at umaasang makakabawi.
Sa paglalagay ng mga regulasyon at parusa ay unti-unting nawala ang mga ganitong laro sa mga baryo. Napalitan ang jueteng ng small town lottery, ang bingo at sabong ay sa mga lisensiyadong establisimiyento na lamang maaaring laruin. Ngunit sa pag-usbong ng teknolohiya sa bansa, sumulpot ang mga online casinos, e-bingo, sports betting at mga mobile app na pinadali ang access ng mga Pinoy upang makapagsugal.
Sa loob ng bahay, sa kalye, o kahit sa trabaho, puwedeng makapagsugal basta’t may cellphone at internet. Nawala na ang mesa at pisikal na limitasyon. Bukas ito bente-kwatro oras kaya kahit saan man at anong oras man gustong maglaro ay magkakapaglaro ka. Kung dati ay sa casino lamang makakapaglaro ngayon ay kahit saan na. Kung dati ay ititigil na ang laro kung umayaw na ang isa, ngayon walang hangganan ang paglalaro at mga pagpipiliang laro basta may pang-pusta pa.
Bilang tagapagtaguyod ng financial literacy, ang mabilisan kong payo ay huwag magsugal. Huwag itong subukan. Ngunit, bilang isang saksi rin sa pagsusugal ng mga Pinoy ay naniniwala akong mahirap itong tanggalin. Hindi maipagkakaila na mayroon ding mga responsableng manunugal at malaki rin ang kita ng pamahalaan sa ganitong industriya. Hindi rin nagkukulang ang pamahalaan sa pagpapaalala sa responsableng paglalaro.
Ang pagsusugal ay kailangang may kontrol at pananagutan. Huwag gamitin ang pagsusugal bilang paraan ng pag-ahon sa buhay. Mahalagang maunawaan na hindi ito ang sagot sa kahirapan o sa mga suliraning pinansiyal. Itakda ang malinaw na limitasyon sa oras at perang inilaan para sa pagsusugal. Magtakda ng budget at tiyaking hindi lalampas dito. Huwag kailanman gamitin ang perang nakalaan para sa pagkain, upa, o iba pang mahahalagang gastusin. Limitahan ang oras na ginugugol sa pagsusugal upang hindi ito makaapekto sa trabaho, relasyon sa pamilya, at iba pang responsibilidad sa araw-araw na buhay. Sa bandang huli, ang tanong ay hindi kung masama ba ang pagsusugal, kundi kung paano natin huhubugin ang isang mas ligtas at makataong paraan ng pagtingin at pagharap dito sa panahon ng digital na mundo.
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.