April 2, 2025 l Pilipino Mirror
Nitong nakaraang Linggo ay may tinanong sa akin ang aking panganay na anak na nagbigay sa akin ng interes at aking ikinatuwa. Sampung taong gulang na siya at nag-uumpisa na siyang maging mausisa sa mga nangyayari sa mundo.
Ganito ang kanyang tanong, kung si Elon Musk ay may net worth na 342 billion US dollars, bakit hindi niya na lang bigyan ng 1 million pesos ang lahat ng tao sa mundo para mawala na ang kahirapan? Tawa ang unang reaksiyon na ibinigay ko sa kanya sabay sabing, “Kaka-cellphone mo yan.” Ngunit, bakit nga ba hindi, Elon?
Matapos kong malaman kung saan niya nakuha ang tanong na ito ay sinubukan kong sagutin sa paraan na mas maiintindihan niya. Inflation ang una kong naging tugon. At upang mailarawan ito ay binigyan ko siya ng isang senaryo. Kung tindera ka ng bigas at alam mong may tig-iisang milyon ang lahat ng mamimili mo, magkano mo ibebenta ang isang kilo ng bigas na tinda mo? Isang libo kada kilo ang ibinigay niyang sagot at sa tingin ko ay nakuha na niya ang punto. Ang mas mataas na kakayahang gumastos ay nagpapataas ng demand na may natural na epekto sa inflation.
Bukod sa inflation ay marami pang ibang mga dahilan kung bakit ang ideyang ito bagaman ay maganda ay hindi maaari. Una, nasa walong bilyon na ang tao sa mundo at kung hahatiin ang yaman ni Elon ay kulang pa sa tatlong libong piso ang makukuha ng bawat isa at hindi isang milyong piso. Pangalawa, kung walang suporta tulad ng edukasyon, trabaho at imprastraktura, ang ganitong panandaliang pamamahagi ay walang pangmatagalang epekto sa kahirapan.
Mataas ang posibilidad na ang ilang makakatanggap ay gagamitin lamang sa walang kabuluhan ang kanilang natanggap. Sunod, magkaiba ang net worth sa cash. Ang net worth ay ang kabuuang halaga ng yaman ng isang tao na maaaring nasa anyo ng cash, investments, stocks, interest at iba pa.
Sa kaso in Elon, ang kanyang net worth ay nasa Tesla, Spacex, Neuralink at iba pang mga kumpanya. Upang maipamahagi ito, kailangan munang i-liquidate ang mga investments dito. At dahil mataas ang reputasyon ni Elon at kanyang mga kompanya sa pandaigdigang merkado, ang ganitong hakbang ay maaaring magkaroon ng pangmalawakang negatibong epekto. Ilan sa mga riyan ay ang pagkawala ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, paggulo ng supply chain at kawalan ng trabaho.
Sa halip na pamamahagi ng yaman, ang patuloy na pamumuhunan ni Elon sa transportasyon, space exploration, artificial intelligence, pananaliksik at teknolohiya ay may mas kapaki-pakinabang na epekto sa kabuuang ekonomiya ng mundo.
Bagaman marangal ang intensiyon ng ideyang ibinahagi sa akin ng aking anak, ang pang-matagalang epekto nito ay maaaring makasama sa halip na makatulong. Ang patuloy na paglikha ng halaga o value creation gamit ang yaman at kakayanan upang makapagbigay ng makabuluhan, kapaki-pakinabang, at kanais-nais na produkto at serbisyo tungo sa pagpapabuti ng lipunan ang mas mabisang paraan. Kaya ‘Nak, ako naman ang magtatanong, gamit ang iyong kakayanan at mausisang isipan, ano kaya ang malilikha mong halaga balang araw?
***The views expressed herein are his own and do not necessarily reflect the opinion of his office as well as FINEX. For comments, email earvin.salangsang@desfinancing.net. Photo is from Pinterest.