Earvin Salangsang l November 13, 2024 l Pilipino Mirror
ANO ang inflation? Ano ang sanhi nito? Ano ba ang law of supply and demand? Paano ba nito naaapektuhan ang presyo ng mga bilihin? Ano ba ang epekto ng palitan ng piso at dolyar?
Bakit hindi na lamang mag-imprenta ng maraming pera ang Bangko Sentral? Saan maaaring mag-ipon at mag-invest? Masama ba ang mangutang? Saan makakahanap ng murang access sa pangungutang? Bakit kailangan ang insurance? Paano ba magkakamtan ang financial freedom?
Ilan lamang ang mga ito sa hindi mabilang na mga katanungan ng mga Pinoy tungkol sa ekonomiya at pananalapi. Sinasabi ng ilang mga kritiko na ang sanhi ng mga ganitong katanungan ay dulot ng kakulangan ng ating educational system sa pagtuturo at pagtalalakay ng mga ganitong paksa.
Taong 2016 noong tuluyang maging batas ang Republic Act No. 10922 o ang “Economic and Financial Literacy Week Act” at ngayong linggo nga ang pagdiriwang nito. Layunin ng batas na ito na itaguyod ang kaalaman at kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng ekonomiya at pananalapi. Hinihikayat nito ang pagbuo ng mas malalim na pag-unawa tungkol sa kahalagahan ng wastong pamamahala sa pera at ang pagkakaroon ng maayos na desisyon ukol sa pananalapi. Itinalaga ang ikalawang linggo ng Nobyembre upang ipagdiwang ang “Economic and Financial Literacy Week”.
Inatasan ang National Economic and Development Authority o NEDA na pangunahan ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga paaralan at pribadong sektor sa pagdiriwang nito. Upang mapaunlad ang kaalaman ng mga mag-aaral at ng mga kabataan, lahat ng paaralan mula pampubliko o pribado sa ilalim ng DepED at ng CHED, maging ang National Youth Commission at TESDA ay inatasan na gumawa ng mga hakbang upang mapalawig at mapabuti ang kaalaman ng kabataan ukol sa ekonomiya at pananalapi.
Hinikayat din ng batas na ito ang DepEd na bisitahin at pag-aralang muli ang high school economics curriculum upang mas maging angkop ito sa edad ng mga mag-aaral at siguraduhin na ang economics and financial literacy ay maging parte na nito.
Napakahalaga ng pagkakaroon ng malawak na kaalaman ukol sa ekonomiya at pananalapi lalong-lalo na sa mundo natin ngayon na kaliwa’t kanan ang mga alok na financial products, walang katiyakang kondisyon ng ekonomiya at napaka-bilis na pagbabago ng teknolohiya. Ang pagkakaroon ng pag-unawa rito ay maihahanda tayo sa mga panganib na kaakibat ng mga ito. Buhat na maging batas ang RA 10922 ay marami nang mga aktibidad at programang nailunsad upang maisakatuparan ang layunin ng batas sa pangunguna ng NEDA.
Ngunit katulad din ng ilang mga batas, mawawalan ito ng saysay at kabuluhan kung walang suporta ng mga mamamayan. Napakalaki ng bilang ng mga Pinoy ang hindi naaabutan ng pagtuturo ng economic and financial literacy at hindi sasapat ang mga pagsisikap ng mga ahensiya ng gobyerno sa kasalukuyan upang matugunan ang kakulangang ito. Kaya patuloy ang paghihikayat na makilahok, makibahagi, makisama at makipag-tulungan sa pagpapalawig pa ng economic and financial literacy sa mas marami pa nating kababayan.
*** Ang may akda ay Vice President-Finance/Comptroller ng DES Financing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong-pinancial sa mga retiradong sundalo ng AFP at kanilang mga benepisyaryo.
Disclaimer: The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, CSBank, and of PILIPINO Mirror. Photo from Pinterest.