Mahalaga ang Etika sa Negosyo

J. Albert Gamboa l June 19, 2024 l Pilipino Mirror

IYON ang pangunahing mensahe ng dalawang libro ­galing sa Financial Executives Institute of the ­Philippines (FINEX). Inilathala ang mga ito ng FINEX Ethics ­Committee sa pamamagitan ni FINEX Liaison ­Director Flor Tarriela na siyang pasimuno ng konsepto nito.

Ang unang libro na pinamagatang “Ethics: Black, White, or Gray?” ay inilunsad noong 2018 sa gusali ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Maynila. Todo-suporta ang yumaong BSP Governor Nestor Espenilla Jr. sa pag-sponsor at paglathala ng librong ito na na­ging matagumpay sa pagpakalat nito sa mga pamantasan at kolehiyo dito sa Metro Manila at mga karatig na rehiyon.

Inilabas ang pangalawang libro pagkatapos ng pandemya sa punong tanggapan ng Board of Investments (BOI) sa Makati noong Nobyembre 2022. Ito’y may pamagat na “Ethics: Enduring or Evolving?” at si Secretary Alfredo Pascual ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nag-host ng kaganapan sapagkat ang BOI ay isang ahensiyang sangay ng DTI. Isa si Pascual sa mga manunulat ng mga kabanata sa libro.

Kamakailan, ilang negosyo at propesyonal na organisasyon tulad ng SGV Foundation at SM Foundation ang bumili ng daan-daang kopya ng pangalawang libro. Nag-sponsor sila ng donasyon ng mga aklat na ito sa maraming paaralan na laging lumalahok sa Inter-Collegiate Finance Competition (ICFC).

Taon-taon, ang ICFC ay ino­organisa ng Junior FINEX Committee sa iba’t ibang rehiyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao upang suportahan ang pagpapaunlad ng financial literacy sa mga Filipino college students.

Isinulat ni dating BSP Governor Felipe Medalla, kasama si Securities and Exchange Commission (SEC) Chair Emilio Aquino, ang paunang salita o foreword ng ikalawang aklat, na nahahati sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay tungkol sa mga captains of industry at ang mga pagpapahalagang itinanim nila sa kanilang mga pamilya pati na rin ang mga organisasyong kanilang pinamunuan. Tampok sa seksyong ito sina Henry Sy Sr. ng SM Group, Washington Sycip ng SGV Group, Ramon Del Rosario Jr. ng PHINMA Group, Bienvenido Tantoco Sr. ng Rustan’s Group, at Felipe Gozon ng GMA Network.

Sa ikalawang bahagi ng 250-­pahinang aklat, ang mga manunulat mula sa pampublikong sektor ay kinabibilangan nina SEC Commissioner Kelvin Lester Lee, dating SEC Chair Teresita Herbosa, at Lilia de Lima, na dating Taga­pangulo at Direktor Heneral ng Phi­lippine Economic Zone Authority.

Kabilang sa mga nag-ambag ng mga artikulo mula sa pribadong sektor ay sina Insular Life Chair Nina Aguas, Mansfield & Fielders Chair Josiah Go, ECHOstore Founder Pacita Juan, SM Prime President Jeffrey Lim, at Jack Madrid, CEO ng IT and Business Processing Association of the Philippines.

Mula sa hanay ng FINEX membership, ilang nakaraang Pangulo ng nangungunang finance organization ng bansa ang nagsumite ng kanilang mga personal na pananaw sa etika. Sa kabuuan, mayroong 50 artikulo sa ikalawang edisyong ito na ang editorial board ay pinamunuan ni FINEX Ethics Committee Chair Wilma Miranda, Editor-in-Chief Reynaldo Lugtu Jr., Managing Editor Reynaldo Abilo, at ako bilang Copy Editor.

Sinabi ni Miranda: “Ang Ethics Committee, kasama ang adbokasiya nito na itaguyod ang etika hindi lamang sa negosyo kundi sa mga kabataang isipan ng ating mga susunod na henerasyon, ay naglalayon na ibigay ito hindi lamang sa mga miyembro at kontribyutor nito kundi pati na rin sa mga paaralan at aklatan.” Umaasa siya na ang dalawang libro ay magbibigay inspirasyon sa mga mambabasa na ituloy ang mga tamang etikal na halaga at gawin ang mga tamang bagay nang tama.

Bagama’t sold out na ang unang libro, mayroon pa ring ilang kopya ng pangalawang libro na makukuha sa FINEX Secretariat. Para sa mga order at katanungan, mangyaring makipag-ugnayan kay Alex Canon sa 63(2) 811 3188 o mag-email sa publications@finex.org.ph.

Ang may-akda na si Joseph Araneta Gamboa (JAG) ay kasalukuyang Director at Chief Finance Officer ng Asian Center for Legal Excellence, isang accredited provider ng Supreme Court para sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) courses ng mga abogadong Pilipino. Sumisilbi din si JAG bilang Vice Chairman ng Ethics Committee sa Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX).

Disclaimer: The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, ­CSBank, and of PILIPINO Mirror. Photo from Pinterest.

Recent Posts

Linggo ng Econ at Fin Lit

Earvin Salangsang l November 13, 2024 l Pilipino Mirror ANO ang inflation? Ano ang sanhi nito? Ano ba ang law of supply and demand? Paano

Unlocking investments in clean energy

Joseph Araneta Gamboa l November 13, 2024 l Business Mirror THE future of energy is always in a state of flux, making it difficult to

Social media’s market influence

Reynaldo C. Lugtu, Jr. l November 8, 2024 l Business World In recent years, social media has evolved from a tool for personal connection to

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189