Ang may Isinuksok, may Madudukot

Earvin Salangsang l May 29, 2024 l Pilipino Mirror

NITO lamang ika-22 ng buwan na ito ay muli kaming ikinasal ng aking maybahay. Mabilisang preparasyon ang nangyari dahil gusto naming maitaon ito sa ika-10 anibersaryo ng aming civil wedding.

Matagal na naming pangarap maikasal sa simbahan kaya naman wala na itong atrasan. Ang usapan sana ay mga magulang at kapatid lamang ang aming magiging bisita ngunit habang nagpaplano ay pa­dami nang padami ang mga bisitang dapat naming isama. Kaya naman, ang simpleng pa-blessing lang sana sa simbahan at simpleng kainan sa isang restaurant ay napunta sa mas malaking lugar.

Dahil nga nadagdagan ang mga bisita at mas malaking venue na ang kailangan, ang budget na para sana sa isang maliit na pagdiriwang ay kulang na. Ngunit ika nga ng kasabihan, “Ang may isinuksok, may madudukot.”

Edad 23 noong una kong nasumpungan ang katagang financial literacy. Dahil binata pa at walang responsibilidad sa buhay noon, wala talaga akong naiipon. Wala akong disiplina sa paggastos hanggang sa makapakinig ako sa isang financial literacy talk. Dito ko natutunan ang konsepto ng Variable Universal Life Insurance o VUL. Ang VUL ay isang uri ng life insurance na may kaakibat na savings o investment.

Sa totoo lang ay nakulitan lamang ako sa ahenteng nag-alok sa akin ng insurance kaya ako kumuha noon. Ngunit sa patuloy na pag-aaral ko rito ay lalo kong natutunan ang kahalagahan nito kaya naman dinagdagan ko pa ang mga VUL plans ko. Kapag may sumosobra sa aking regular income ay dito ko inilalagay sa halip na iimpok ito sa mga bangko dahil bukod sa death benefit ay mas mataas ang tiyansa nitong lumago.

Sa mga VUL plans ako nagsuksok kaya makalipas ang higit sampung taon ay may nadukot ako. Withdrawable ang investment portions ng VUL plans kaya naka-withdraw ako ng pangsuporta namin sa budget para sa kasal. May iniwan akong sapat na halaga sa mga plans ko para patuloy pa rin ang policy at hindi ito tuluyang isara.

Tulad ng karamihan ay isa rin ako sa mga taong may mababang paniniwala sa mga financial pro­ducts noon lalo na sa insurance at iba pang mga pre-need products. Kung hindi ako naglakas loob na subukan ito at pag-aralan, ay malamang hanggang ngayon ay wala pa rin akong disiplina pagdating sa pananalapi at lalong wala akong naiambag sa budget namin sa kasal.

Ang kasabihang, “Ang may isinuksok ay may madudukot”, ay nagtuturo sa atin kung gaano kaha­laga ang paghahanda para sa hinaharap. Payak ngunit napakahalagang turo sa financial literacy. Ipinaliliwanag nito ang kahalagahan ng pagtitipid, pagtatabi, at pagsusumikap na makaipon nangsapat upang may magamit sakaling kailanganin lalo na sa mga hindi inaasahang pagkakataon o sa kagipitan. Kaya matutong mag-ipon at ilang taon mula ngayon ay pasasalamatan mo rin ang iyong sarili.

*** Ang may akda ay Vice ­Pre­si­dent-Finance/­Comptroller ng DES Finan­cing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng ­serbisyong-pinancial sa mga ­retiradong sundalo ng AFP at ­kanilang mga benepisyaryo.

The views and opinions expressed above are those of the author and do not necessarily represent the views of FINEX, ­CSBank, and of PILIPINO Mirror. Photo from Pinterest.

Recent Posts

The scourge of celebrities in politics

Benel D. Lagua l December 13, 2024 l Business World With elections looming in 2025, this writer is amazed at the audacity of celebrities and

AI-enabled consumers

Reynaldo C. Lugtu, Jr. l December 12, 2024 l Manila Bulletin On a breezy December evening in Manila, a young professional stares at her phone,

What I like about Christmas

George S. Chua l December 11, 2024 l Business Mirror THERE are people who find no joy in many situations, including the Christmas season. Perhaps

Simple at Makabuluhang Pasko

Reynaldo C. Lugtu, Jr. l December 11, 2024 l Pilipino Mirror ANG PASKO sa Pilipinas ay isa sa mga ­pinakamasayang panahon, ngunit kadalasang nagdudulot din

Address:

Financial Executives Institute of the Philippines

Roberto de Ocampo Center for Financial Excellence,
Unit 1901, 19/F 139 Corporate Center,
Valero St., Salcedo Village
Makati City, National Capital Region, Philippines

Telephone:
+63 2 8114052 / 8114189