Earvin Salangsang l March 13, 2024 l Pilipino Mirror
Nabasa ninyo ba o napakinggan sa balita ang survey ng Visa na pang-apat tayong mga Pilipino sa Top Spenders sa Asia-Pacific region para sa mga live concerts? Hindi na rin ako magtataka rito dahil natural sa ating mga Pinoy ang hilig natin sa musika at entertainment.
At mayroon pa sa atin ang lalabas pa ng bansa makapanuod lamang ng concert ng paborito nilang performers. Handa silang gumastos ng malaki makapanuod lamang ng live concerts at personal na maranasan ang ganitong mga events.
Guilty ba ako dito? Siyempre, oo! Bilang isang Batang 90’s at solid Rivermaya fan, matagal ko na talagang pangarap ang reunion ng paborito kong banda at mapanuod sila ng live. Matapos ang mahigit dalawang dekadang paghihintay, nito ngang Pebrero 17, nangyari ang pangarap kong concert. At siyempre, nandun kami ng aking may bahay sa VIP section. Kita ninyo? Guilty!
Taliwas ba ito sa aking adhikain tungkol sa financial literacy? Kung hindi ito pinag-planuhan at pinag-usapan ay oo ang sagot diyan. Kung ginamit ang credit card o umutang ng walang inaasahang income para makapagbayad ay malamang Concert Now Iyak Later ang magiging sitwasyon ko. Hindi masama ang bigyan ng reward ang sarili paminsan-minsan kung ito ay pinagplanuhan at ginawa sa disiplinadong paraan. Makakabuti rin ito sa atin upang makalimot ng sandali sa ating stress at mapanumbalik ng ating enerhiya matapos ang walang tigil na kayod sa trabaho. Pero paano nga ba maiiwasan ang Concert Now Iyak Later na sitwasyon?
Narito ang ilan sa aking mga tips:
- Kung gusto palaging merong paraan. – Kung gusto mo talaga ang isang bagay, gawan mo ng paraan upang makamtan at magkatotoo ito. Sa kaso ko, tumanggap ako ng mga consultancy services upang madagdagan ang kita ko. Ginamit ko ang extrang oras sa Sabado at Linggo upang kumita pa. Sa ganito, hindi lamang sa savings manggagaling ang budget para sa concerts kundi sa dagdag kita na rin.
- Know your priorities – Upang hindi magsisi sa huli, siguraduhin muna na lahat ng financial priorities ay natugunan na. Huwag sirain ang budget, sundin pa rin ang “Pay yourself” principle, magtabi pa rin para sa ipon at magbayad pa rin ng insurance. Tandaan pa rin ang formula na Income minus Savings equals Expenses.
- Planuhin ng mas maaga – Hindi lamang tickets ang gastos sa panunuod ng concerts kaya naman na mahalagang planuhin ito ng mas maaga. Kasama riyan ang pagkain, pamasahe o kaya naman ay gasolina kung may sasakyan, hotel kung manggagaling pa sa malayong lugar, airfare sa mga ilan, at kasama na rin ang mga souveniers. Gumawa ng listahan ng mga ito upang mas madaling maisama sa pagbubudget.
- Magbawas ng Discretionary Expenses – Mahirap maka-ipon kung walang disiplina at sakripisyo. Makakatulong ang pagbabawas ng mga iba pang discretionary expenses upang maka-focus sa pag-iipon sa inaasam mong live concert. Halimbawa ay bawasan ang madalas na pagkain sa labas, pagbili ng mamahaling kape, pamamasyal at iba pa.
Mas madaling maka-ipon at mas enjoy ang concert kung sasamahan ng disiplinadong pag- gasta at responsableng pagpaplanong pinansiyal.
*** *** Ang may akda ay Vice President-Finance/Comptroller ng DES Financing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong-pinancial sa mga retiradong sundalo ng AFP at kanilang mga benepisyaryo. Larawan galing sa Pinterest.