Earvin Salangsang l December 13, 2023 l Pilipino Mirror
ISA na marahil ang librong Rich Dad Poor Dad sa pinaka-kontrobersiyal na lathalaing pampinansiyal dahil sa mga hindi pangkaraniwan nitong pananaw.
Nailathala noong 1997, sinasabing ang benta nito ay umabot na sa lampas 40 milyong kopya at patuloy pa rin ang pangtakilik ng mga mambabasa hanggang ngayon. Isinulat ito ng isang matagumpay na negosyante na si Robert Kiyosaki hango sa mga natutunan niya sa kanyang tinatawag na “Rich Dad” noong nagtrabaho siya para rito at mga aral din hango sa kanyang sariling karanasan noong siya naman ang nagnenegosyo. Maraming mga aral pampinansiyal ang mapupulot mula sa librong ito ngunit hayaan ninyong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga paborito kong aral.
Pay yourself first.
Ang konseptong ito ay nanghihikayat na unahin ang pag-iipon o pag-i-invest ng bahagi ng suweldo o kita bago ang iba pang mga bayarin. Halimbawa, magtabi ng 10% ng iyong sahod bago bayaran ang bill sa tubig, koryente, upa sa bahay at iba pa. Disiplina ang pinaka- kritikal na sangkap sa konseptong ito. Itinuturo nito na unahin ang pangmatagalang plano upang mapabuti ang pinansiyal na katayuan bago ang anuman. Maaaring napakahirap nitong gawin ngunit kapag sinamahan ng disiplina ay magagawa ito hanggang sa makaugalian na sa katagalan.
Financial Literacy
Ano nga ba ang asset at liability? Para sa isang accountant ay madali lang ito ngunit para sa mga hindi ay maaaring iba-iba ang interpretasyon. Ang hinuhulagang bahay o sasakyan ba ay asset? Sa libro ay simpleng inilarawan ni Robert ang asset bilang pag-aari na nagpapasok ng kita at ang liability naman ay umuubos ng kita. Ang mga mayayaman ay nagpapalaki ng asset habang ang mga middle at lower class ay nalulubog sa liability na sa akala nila ay mga assets. Napakahalagang matuto ng financial literacy upang mabago ang pananaw sa mga bagay pampinansiyal.
Mindset
“Mahal ‘yan. Hindi ko kayang bilhin ‘yan.” Sa halip na ganitong pananaw ang isabuhay ay isipin kung paano makakamit ang mga ninanais. “Paano ko kaya ito mabibili?” Ang ganitong bagong pananaw ay nagbubukas ng mga posibilidad at hamon para sa sarili. Sa halip na tumigil dahil hindi kayang bilhin ang isang bagay, gamitin ang imahinasyon upang makaisip at gumawa ng mga paraan upang kumita. Huwag panghinaan ng loob kung sa ngayon ay mahirap makamit ang mga kagustuhan. Gawin itong inspirasyon upang magsumikap pa lalo.
Work to Learn
Huwag hayaan na sahod at makapagbayad lamang ng gastusin ang motibasyon upang magtrabaho. Samantalahin ang trabaho upang matuto ng mga bagong kakayahan at mapaunlad pa ang sarili. Makipagtrabaho sa higit na madiskarte at magaling upang matuto mula sa kanila. Subukang maikot lahat ng departamento ng kompanya upang matutunan ang bawat aspeto nito. Maaaring sa una ay maliit lamang ang epekto nito ngunit sa kalaunan ay magdudulot ito ng higit na halaga. Maaari ring magamit ang mga natutunan sakaling susubok na ng sariling negosyo.
Mapapansin na hindi lamang sa pampinansiyal na payo naka-focus ang libro kundi maging sa pagkakaroon ng disiplina, pagpapaunlad ng sarili kakayahan at pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay.
*** Ang may akda ay Vice President-Finance/Comptroller ng DES Financing Corporation, isang kumpanyang nagbibigay ng serbisyong-pinancial sa mga retiradong sundalo ng AFP at kanilang mga benepisyaryo.