James Patrick Q. Bonus l June 28, 2023 l Pilipino Mirror
MARAMI na tayong narinig o nabasa tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagpapayaman sa sarili – tulad ng masinop na pag-iipon, pagpupundar ng sariling negosyo, maagap at buong pagbabayad ng utang, at pag-iinvest sa insurance at stock market. Ngunit sa likod ng mga ito, mayroong tatlong paraan na dapat pagtuunan ng pansin upang masiguro ang wasto at epektibong pagpapalago ng sariling salapi.
Pagpapalawak ng kakayahan at kaalamang pampinansyal
Isang kritikal na hakbang sa pagpapalago ng salapi ang pagpapalawak ng kakayahan at kaalaman. Sa pamamagitan ng pag-aaral at pag-unawa sa mga konsepto tulad ng budgeting, investing, at risk management, mas magiging handa tayo sa mga desisyong pampinansyal. Maaari tayong sumali sa mga seminar, magbasa ng mga aklat, o kumuha ng online courses upang mapalawak ang ating kaalaman sa pagnenegosyo at pag-iinvest. Sa pagiging maalam sa mga pamamaraan ng pagpapalago ng salapi, magkakaroon tayo ng mas malalim na pang-unawa sa mga oportunidad at maaari nating magamit ito upang maabot ang ating mga layunin at mithiin sa buhay.
Pag-aalaga ng sariling kalusugan
Nagbibigay-sigla sa ating paghahanapbuhay ang magandang pisikal na kalusugan. Sa pagkain nang tama, madalas na pag-eehersisyo, at pagkakaroon ng sapat na pahinga, mapangangalagaan ang ating pangangatawan at ang kakayahan na kumita ng pera. Makatutulong ang malusog na pangangatawan sa pagbigay ng enerhiya sa pagharap sa mga hamon sa buhay, kasama na ang pangangasiwa sa ating mga pinansyal na desisyon.
Intensyonal na paggamit ng oras
Hindi rin dapat kalimutan ang pagiging intensyonal sa paggamit ng oras. Mahalagang yaman ang oras. Hindi ito mababawi. Sa tamang pagplano at paggamit ng oras, maaari nating maabot ang ating mga layunin. Ang bawat segundo na ating ginugugol sa mga bagay na nagbibigay-kahulugan sa ating buhay ay isang pamumuhunan sa ating kinabukasan.
Ang pagpapalawak ng kakayahan at kaalaman, pag-aalaga sa sariling kalusugan, at pagiging intensyonal sa paggamit ng oras ay mga epektibong pamamaraan tungo sa pagpapalago ng ating salapi. Hindi lamang ito tungkol sa pag-iipon at pamumuhunan, kundi pati na rin sa pagpapalawak ng ating mga karunungan at pagkamalikhain sa pamamahala ng ating buhay pinansyal. Sa pagtatagumpay natin sa mga aspektong ito, magkakaroon tayo ng maraming pagkakataon sa paghahanapbuhay at magiging handa tayo sa anumang pagsubok na haharapin natin sa buhay. Nawa’y gamitin natin ang mga ito bilang gabay upang makamit natin ang ating mga pangarap at magkaroon ng matagumpay na buhay, pampinansyal man o pangkalahatan.
*** Ang may-akda ay kasalukuyang Deputy Country Manager & Chief Finance Officer ng FinScore, isang fintech firm na tumutulong sa mga lehitimong kompanyang nagpapautang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na sumusuri sa kakayahang magbayad ng nanghihiram gamit ang alternatibong impormasyon na hinda tradisyonal na ginagamit sa pagpapautang. Nagtuturo rin ang may-akda ng mga paksa ukol sa finance sa pamamagitan ng Acepoint.ph Training Consultancy Services.