Reynaldo C. Lugtu, Jr. l June 21, 2023 l Pilipino Mirror
ANG pangmatagalang pagiisip ng pera, o long term money mindset, ay isang pamamaraan ng pagpaplano patungkol sa pera upang maatim ang financial stability. Ang ganitong klase ng pagiisip ay hindi nangyayari overnight, at nangangailangan ng behavioral changes at tamang disiplina. Sabi nga nila, kung gusto may paraan; kung ayaw may dahilan.
Maraming paraan ng pagiipon na naisulat na rin makailang beses, at ang pagkakaroon ng long term money mindset ay ang magpapahaba ng pisi nang sa gayon ay mapanatili ang disiplina sa pagtatabi ng pera o paglagay ng pera sa mga instrumentong mataas ang balik.
Gayunpaman, hindi lahat ng Pilipino ay ganito magisip, at karamihan pa rin sa atin ay nagiisip lamang in the short-term. Ibig sabihin, sa ating kultura, marami pa ring Pilipino ang short-term thinkers pagdating sa pera at makikita ito sa mababang savings rate at mababang insurance penetration sa merkado. Dahil dito, ang naiipong pera ay mabilis ding maubos sa kalaunan.
Hinihikayat natin ang mga Pilipino na maging disiplanado sa pangmatagalang pagiisip ng pera – at dahil isa itong abilidad na nangangailangan ng mahabang panahon at pasensya, nararapat lamang na maintindihan ang mga iba’t ibang instrumento na maaaring paglagakan ng naipong pera upang mas lumago at lumaki.
Bukod sa paglagay ng pera sa mga digital banks na sa ngayon ay nagbibigay ng mataas na interes, mainam na tingnan din ang mga iba’t ibang insurance products hindi lamang para sa pagprotekta ng buhay, kungdi pati na rin sa pagiipon ng pera dahil ang insurance ay tumatakbo rin na parang investment dahil kumikita ito habang hindi pa ginagamit.
Ugaliing magtabi ng pera kada sweldo o magtabi ng x% ng kinitang pera upang ilaan sa pagiinvest sa iba’t ibang instrumento. Halimbawa ay ang paginvest sa stocks, bonds, insurance at iba pa. Mahirap sa simula, mas lalo na kung maraming gastusin kung kaya’t kinakailangan ang disiplina dito at ang matatag na pananaw na unahin ang pagpapalago ng pera imbes na gastusin sa mga bagay na hindi naman pagkakakitaan. Maaaring maglaan ng ilang porsyento mula sa sweldo o sa kinita ng negosyo para sa pagiipon nang pangmatagalan. Sa ganitong paraan nagsisimula ang pagkakaroon ng long term money mindset.
*** Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa rey.lugtu@hungryworkhorse.com