James Patrick Q. Bonus l May 24, 2023 l Pilipino Mirror
MABILIS at di tiyak ang mga bagay sa mundo. Sa harap ng pandemya o pagbabago, ang ating pinansyal na kalusugan o “financial health” ang magsisilbing proteksyon. Tulad ng pisikal na kalusugan, dapat din alagaan ang kalusugang pampinansyal.
Mabilis at di tiyak ang mga bagay sa mundo. Sa harap ng pandemya o pagbabago, ang ating pinansyal na kalusugan o “financial health” ang magsisilbing proteksyon. Tulad ng pisikal na kalusugan, dapat din alagaan ang kalusugang pampinansyal.
Isa sa pinakamahalagang hakbang sa wastong pag-aalaga ng kalusugang pampinansyal ay ang pagbuo at pagtupad sa isang praktikal at malinaw na budget. Ito’y nagpapalawak ng disiplina at tamang pag-uugali sa paggastos. Ang budget ay magsisilbing batayan sa pagitan ng gustong bilhin at pangangailangan. Pag naisabuhay ang pag-ba-budget, mas maiiwasan ang pagkaroon ng di kinakailangang utang at mas mapapabilis ang pagkamit ng mga layunin.
Panglawa, mahalaga ring magkaroon ng emergency fund o pondo para sa mga hindi inaasahang pangyayari. Itong emergency fund ang tutulong sa iyo na maibsan ang mga biglaang gastusin tulad ng pagkaroon ng karamdaman o hindi inaasahang bayarin. Mag-ipon ng sapat na halaga, katumbas ng tatlo hanggang anim na buwan na gastusin, at isantabi ito sa hiwalay na bank account.
Upang mapanatiling malusog ang iyong kalusugang pampinansyal, mahalaga ring magkaroon ng kaalaman sa tamang pamamahala ng utang. Kung mayroon utang, ugaliin ang maagang pagbabayad upang mapababa ang interes. Kung kinakailangan, makipag-ugnayan sa mga pinagkakautangan upang mapakiusapan ng mas madaling paraan ng pagbabayad.
Mahalaga ang pag-iimpok at pagpaplano para sa iyong kinabukasan. Maglaan ng mga pondo para sa mga pangangailangan sa hinaharap tulad ng pangmatrikula, pangangailangan ng pamilya, at mga pangarap o layunin sa buhay.
Ang wastong pag-aalaga ng kalusugang pampinansyal ay kasinghalaga ng pagbabantay ng kalusugang pisikal. Panatilihin ang malusog na pamumuhay malayo sa sakit at problemang pinansyal.
*** Ang may-akda ay kasalukuyang Deputy Country Manager & Chief Finance Officer ng FinScore, isang fintech firm na tumutulong sa mga lehitimong kumpanyang nagpapautang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na sumusuri sa kakayahang magbayad ng nanghihiram gamit ang alternatibong impormasyon na hinda tradisyonal na ginagamit sa pagpapautang. Nagtuturo din ang may-akda ng mga paksa ukol sa finance sa pamamagitan ng Acepoint.ph Training Consultancy Services.