James Patrick Q. Bonus l April 26, 2023 l Pilipino Mirror
MARAMING mahahalagang paggagamitan ang utang. Isa na rito ang pagpondo o pagpapalago ng negosyo. Ngunit ito rin ay isa sa mga kadahilanan ng pagbagsak at pagkakalugi ng mga ilang kabuhayan. Ganito rin sa pampersonal na buhay: Malaking tulong ang utang, ngunit nagiging balakid din ito at pabigat kung hindi wasto ang paggamit. Ang mga susunod ay mga gabay sa wastong paggamit ng utang sa inyong buhay.
Masinop at intensyonal na paggamit ng utang
Kung nagsisimula ka pa lang sa paggamit ng utang tulad ng credit card, mag-umpisa ka ng dahan-dahan. Huwag mong agad-agad gamitin ang buong credit limit mo. Bagkus, unti-untiin ang paggamit sa pamamagitan ng maliliit na bayarin ngunit bayaran ng buo ang utang bawat buwan.
Kilalanin at disiplinahin ang sarili
Sa panahon ngayon mas pinadali na ang pagbili ng kung anu-anong bagay, mula sa mga pangangailangan tulad ng pagkain, hanggang sa mga luho tulad ng mga mamahaling damit o gadgets. Huwag basta-basta magpapakasasa sa mga ito. Marami ang nababaon sa utang dahil sa walang habas na paggastos sa mga bagay na hindi naman nila talaga kinakailangan o maa-afford. Kung hindi mo kayang bayaran in cash, huwag bilhin on credit. Kilalaning mabuti ang iyong sarili, at kung isa sa kahinaan mo ay ang kawalan ng displina sa paggastos, umiwas muna sa paggamit ng utang.
Magbayad ng kumpleto at sa tamang oras
Malaking tulong ang utang lalo’t kapag kinakapos sa puhunan o kaya nama’y mayroong hindi maiwasang gastusin tulad ng mga emergency. Ang utang ay isang pangako na iyong ibinigay kapalit ng pera na ipinahiram. Ugaliing magbayad ng utang ng kumpleto at sa wastong oras upang mapanatili ang tiwala at kredibilidad mo sa mga nagpapautang, at makaiwas sa lumulobong interes.
Maraming benepisyo ang dala ng wastong paggamit ng utang. Maging masinop sa paggamit nito, mag-practice ng disiplina sa sarili, at ugaliing magbayad ng utang ng maagap at buo. Tulad ng negosyo, ang ating pampersonal na buhay ay nakaasa sa wais na pagpasya, kabilang ang wastong paggamit ng utang.
*** Ang may-akda ay kasalukuyang Deputy Country Manager & Chief Finance Officer ng FinScore, isang fintech firm na tumutulong sa mga lehitimong kumpanyang nagpapautang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na sumusuri sa kakayahang magbayad ng nanghihiram gamit ang alternatibong impormasyon na hinda tradisyonal na ginagamit sa pagpapautang. Nagtuturo din ang may-akda ng mga paksa ukol sa finance sa pamamagitan ng Acepoint.ph Training Consultancy Services.