Reynaldo C. Lugtu, Jr. l December 28, 2022 l PILIPINO Mirror
ANG KOLUM na PeraPera na magsisimula sa araw na ito ay isang financial literacy project ng CSBank at FINEX.
Layunin ng proyektong ito na maipaabot sa ating mga kababayan ang kaalamang pinansyal sa pamamagitan ng kolaborasyon ng Citystate Savings Bank (CSBank), Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) at PILIPINO Mirror – Ang Unang Tabloid Sa Negosyo!
Lumabas sa 2021 Financial Inclusion Survey (FIS) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na tumaas sa 56% mula sa 29% noong 2019 ang mga kababayan natin na may bank account.
Pinapakita nito na isa sa dalawang Pilipino of legal age ay kasali sa financial inclusion. Ano nga ba ang financial inclusion na ito?
Ayon sa BSP, ito ay ang katibayan ng paggamit ng financial services at products, kabilang ang savings o pag-impok, credit or pautang, insurance, pagbayad or payments, pera padala o remittance, at pag-invest.
Pero ayon sa BSP, ang pagtaas ng mga bank account ay dahil sa pagdami ng gumagamit ng mga e-money accounts, na umakyat ng 36%, o 27.5 milyong na Pilipino sa 2021, mula sa 8% noong 2019. Ang e-money ay pera na nakalagay sa smart phone o mga card na pwedeng gamiting pambayad o i-withdraw.
Bukod dito, ang mga may bank account ay lumobo ng halos doble noong 2021 o 18 milyong Pilipino, mula 6.6 milyon noong 2019.
Ang pagdami ng gumagamit ng financial services nitong pandemic ay tugon sa paglipat sa mga digital services, lalo ang sa mga financial transactions.
Ngunit marami pa ring mga Pilipino ang hindi kasali sa financial inclusion. Kaya naisip ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX) ang pakikipagpartner sa CSBank (Citystate Savings Bank) para maghatid ng information sa isang weekly column tungkol sa pagtitipid, pag-iimpok, pamumuhuman at paggamit ng technology sa financial services. Ito ang PeraPera.
Kabilang sa mga contributor ng PeraPera column ay mga miyembro ng FINEX at ibang writers, na magbabahagi ng mga tips at financial suggestions na makatulong sa mga readers. Kung may mga topic na puede makatulong sa inyo, huwag magatubiling na mag contact sa FB Messenger: Citystate Savings Bank, o sa “Contact Us” portion ng CSBank website, www.citystatesavings.com.
Abangan ang mga kasunod na topics para sa karagdagang kaalaman tungkol sa financial inclusion.
*** Ang may-akda ay Founder at CEO ng Hungry Workhorse, isang kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ukol sa digital at culture transformation. Siya ay nagtuturo ng strategic management sa MBA Program ng De La Salle University. Ang may-akda ay maaring i-email sa rey.lugtu@hungryworkhorse.com